Sa may breast cancer
May mga gabing tulad nitong kinakapa mo sa dilim sa ilalim ng kumot ang aking pagkababae pero walang umbok na hinuhugisan ang mga kamay mo. Gaya nang haplusin mo ang tiyan ko nang pinagbubuntis si bunso. Walang gatas, ika ko. Wala kang masisipsip, Hindi na rin tatayo kapag tinatayuan ka. Tumawa ka. Makinis ang mga pilat. Hindi ko na kailangan mag-bra. Pwede tayong sabay na maghubad Kapag magtatampisaw gaya Nang una nating alaala ng pagsusuyuan Sa dagat sa Bataan. Napangiti kita. Naramdaman ko sa gilid ng tainga ang pagtakas ng hininga mo. Ang sabi mo, gusto ko ito: malapit ang mga daliri ko sa puso mo.
Sugat
Sa sandaling masugat Ay huwag kang mababahala. Huwag nang mag-abalang Kumuha ng kahit ano Para takpan at pigilin Ang pagdurugo. Kabisado ko Ang bawat bahagi Ng akin. Hayaan mong umagos Ang sariling dugo Sa gilid Para kusang Maghilom.
Salamin
Sa salamin, Sinasalat ng titig Ang parteng tinitingnan Ng lahat. Para paulit-ulit Na may hanapin. Malinaw sa akin Ang hindi makita ng iba. Ngunit masigasig sila Sa paghahanap Ng mga bagay Na hindi ko makuha.