Mahal, maningning ang London.
Ang River Thames sa tapat ng Westminster Palace
ay tila kalangitan sa gabi – nagkikintaban,
animo’y pinilakang balahibo ng mahiwagang adarna.
Ang mga sinaunang gusali, kay tatayog, kay lalapad.
Mga arkitekturang ladrilyo ay mamula-mula
at malabnaw na gatas – singgara ng mga bulaklak
na bato sa ilalim ng dagat ng San Juan.
Mahal, walang bitak ang mga daan ng London.
Ang mga pulang bus ay kay kikinis ng takbo,
at ang bintana’y walang isang ukit ng alikabok,
sumasalamin sa mga bilugang ilaw ng mga gusali.
Ang labas ng Harrods na kumukupkop
sa rebulto ni Princess Diana at Dodi
na nagtatampisaw sa tansong agos
ay pagkarangya: saklob ng mga bumbilyang
tila sansinukob na alitaptap – may mga bandera
ng iba’t-ibang bansa, iniuugoy ng simoy
ng nagtagpong Taglagas at Taglamig,
yaring simoy na tumutuyo sa gamot-pawis ko,
pinapalitan ng halimuyak ng matcha at sigarilyo,
at mga siksik na halakhak-kalye. Ngunit ang totoo,
Mahal, madilim ang langit ng London.
Malamang dahil makislap na ang lupa. Sabi ng iba,
walang panglaw ang ’di masisilaw ng London.
Ngunit, nang tingalain ko ang Victoria Memorial,
ay lumagpas ang aking tanaw sa ginintuang buka
ng mga pakpak-estatwa. Hinahanap ko ang liwanag
na tanglaw mo sa ating munting dampa –
kung saan tayo nagbabangi ng mais
at namamapak ng mangga’t bagoong-isda –
iyong ating buwan na laging kinukubli
ng mga ulap ng London.