Nananalig ako sa lahat ng bangkay, sa laksa-laksang anay na tumutungkab sa puno
ng akasyang nakatirik sa gilid ng kapilya, sa mga gagamba ng aking bugtong na anak,
sa mga bulag na uwak, sa mga amorseko, at sa lahat-lahat ng nalantang bulaklak
sa pusod ng kampusanto. Dahil ito ang totoo: may portal patungo sa kabilang buhay
sa isang kuwebang pinamamahayan ng mga libo-libong alitaptap at kulisap. Minsan
na kaming nag-usap ng Panginoon at ito ang mga sinabi niya sa akin: hindi totoong
galing sa alabok ang tao, galangin mo ang mga itim na pusa’t paru-paro, lumikha ka
ng isang puntod na yari sa ladrilyo’t basbasan mo ng dugo ng bayawak ang bawat
sulok nito. At kung may nalalabi ka pang oras, hanapin mo ang may pinakabusilak
na puso sa daigdig at kapag nahanap mo, saksakin mo nang tatlumpung ulit sa dibdib
at pagpapalain ko ang magiging anak ng iyong anak. Ang totoo, ayaw ko nang
magbungkal ng mga buto–ang ibig ko na’y sumulat ng isang aklat patungkol sa halaga
at iba't ibang hugis ng lapida–dahil kayrami nang pangalan ang hindi na kilala
(o kung kilala man ay pilit namang nililimot). At ang inakala kong agimat na nakapulupot
sa leeg ng inuuod na bangkay, ay isa pa lang makamandag na batong kayang lumipol
ng sampung salinlahi sa hinaharap. Higit kong nakikilala ang aking sarili sa larawan
ng naaagnas na katawan.