Nikki Mae Recto, Valenzuela City Si Nikki Mae Recto ay isang internal auditor na nakatira sa Valenzuela City. Naging fellow siya ng tula sa UST National Writers’ Workshop noong 2022 at sa Valenzuela Writers’ Workshop noong 2019. Isa siyang ganap na kasapi ng Valenzuela Arts and Literary Society (VALS) at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Hilig niyang magbasa ng libro, maglakad-lakad, mag-tarot, mag-online games, at kulitin ang kanyang mga pusa.



Timmie (o, Respawn)


Issue No.6

Nagiging karaniwan kahit ang pinakakarumaldumal na pangyayari kung nasasaksihan mo ito araw-araw. Halimbawa: Ang ritwal ng Manlalakbay. Huhugutin niya ang espada habang umiikli ang aming distansiya, at pagtungtong niya sa tulay, tititigan niya lang ako nang isang beses bago iwasiwas ang sandata sa mga kalapati sa aking paanan. Walang-kurap kong tinatanggap ang biyak nilang dibdib, ang laslas na mga leeg, ang mga balahibong tigmak sa dugo, na (sa bilis ng pagkakasilid sa kung saang minahikang supot o bayong, ay) hindi na dadanak sa lupa. Sige, sabihin nating sa unang sampung beses ay biningi ko ang sarili sa pagtaghoy sa ginagawa niya, ngunit mukha bang gagawin ko iyon habang buhay? Hindi. Dahil una, napapalitan din araw-araw ang mga alaga kong kalapati, at singwangis din ng lahat ng kinatay Niya. Pangalawa, sabi ng ina-inahan ko, basta tratuhin ko sila nang mabuti, kahit anong anyo pa sila bumalik sa mundo ay makikilala ako ng mga kaluluwa nila. At pangatlo, hindi na ako batang pag-iyak lang lagi ang nakikitang solusyon sa lahat.

Kaya sino sila para itakda ang dapat at di ko dapat malaman? Halimbawa: Ang ama kong matagal nang patay. Aanhin ko ang salitang aksidente bilang paliwanag? Wala bang magsasabi kung saang parte ng katawan siya nabiyak at dumugo, kung tinatawag niya ba ako habang nalalaslasan siya ng hininga? Hindi ako pinatutulog ng napakaraming posibilidad. Sa katirikan ng araw-araw, pagkatapos kong tumango sa Manlalakbay, iniisa-isa ko ang pagpanaw ng kislap sa mata ng bawat kalapating ginigilitan ang leeg, at ikinatatakot ang hindi na nila pagbalik kinabukasan.