Mirick Paala, Taguig City Kasalukuyang tinatapos ni Mirick Paala ang kaniyang MA sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Dati na siyang naging fellow sa Ateneo National Writers Workshop at UST National Writers’ Workshop. Lumabas na rin ang kaniyang mga akda sa Revolt Magazine, Heights, High Chair, transit: an online journal, at Katipunan: Journal ng mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining at Kulturang Filipino.



Dalawang Tula


Issue No.2

Laberinto

 
 
 
 

Daan

Sa loob, walang-hanggang gabi. Lumalagos sa bintana ang sinag ng nag-iisang ilaw-poste sa gilid ng daan, puting-puti na tila may anghel na mananaog sa kalangitan at magdadala ng mabuting balita o ng kamatayan— haharurot ang isang motor sa daan tila nagbabadya. Parang awa niyo, huwag ngayon. Iisipin kung paano tatakas kung sakali. Tutuntunin ang nag-iisang lagusan palabas habang inaalala kung ano ang ipantatakip sa mukha, kung ano ang sasabihin saka-sakaling maisiwalat ang nagnanaknak na sugat, ang hindi mapatid-patid na pagnanasang maging normal, magmahal nang walang laberinto, walang pulis samantalang magbubukas ang pinto sa harapan, ang kanina pang hinihintay na paanyaya, ang kamay na aahon sa dilim at magpapatahimik sa gabi.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa labas, nakabantay ang pulis. Salit-salitan ang pagtama sa mukha ng pula at asul na ilaw na parang binabasa, binabalasa, hinahanapan ng masama. Wala kang ginagawang masama. Tinutulak ka ng lungsod na magdasal saka umiwas ng tingin, manatili sa gilid ng daan dahil wala kang maibibigay kahit pangalan. Minsan, ikwinento ng kinakasamang estranghero ang nakita niyang sisne sa papawirin at kung paano nito binuklat ang malawak na dipa ng pakpak bago pumailanlang. Hindi ka sigurado kung ano ang ibong iyon pero nagtiwala ka sa gaan ng kaniyang paglipad na parang kumakawala sa mundo o wala-sa-mundo. Doon mo unang matututunang mangulila sa mga bagay na hindi lubos na nauunawaan, nakikita. Hanggang pagtanda, babalik-balikan ang eksenang ito kahit lagi’t lagi mabibigo mapipiit sa silid na pinalilibutan ng salamin at ng hubad niyong katawan.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa kaibuturan, ang halimaw. Bagaman wala pang nakakakita. Naroon ang bakas: dugo, bala, kalansay. Hinding-hindi makapaghahanda. Hindi malaman kung iisa o marami. Kung mala-diyos, maka-diyos, o diyos. Kung anino o multo o tao. Kaya laging mapapalingon, lagi’t lagi magdadalawang-isip, lagi’t laging titingnan ang sarili sa salamin, babantayan ang sinasabi samantalang tinutuldukan ng pag-uwi ang bawat araw, binabakuran ng mga gusali ang kalangitan. Bawat gabi lilinisin ang sarili hindi maaaring ito ang aking mga kamay bagaman alam mo, sa loob-loob mo, may dumi kang hindi matunton, hinding-hindi mabura-bura, ang maliit na silid na kay daling malunod sa mistulang pagmamahal ang dingding na sinasabing hindi ko dudungisan ang bata mong mukha—pilit kang pipikit magpaparaos bago mo pa ibaling sa sarili ang sisi.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa ilalim, ang ipinagmamalaking proyekto ng departamento, ang tren na babagtasin ang gulugod ng lungsod. Lalagos ito sa mga higanteng butas sa ilalim ng lupa, kakalahatiin ang tagal ng paglalakbay sa magkabilang-dulo habang pinabibilis ang takbo ng ekonomiya, oras. Dadaan ang tren sa Langit Road patungong Bahay Toro patungong Daang Hari. Sinasabing hindi kailangang mangamba, walang makapapansin sa pagdaan ng tren kahit tumatakbo ito ng isang daang kilometro kada-oras, samantalang hanggang pagtulog hindi mapatahan ang mekanikal na ugong at pagyanig ng lupa na parang kinukuyog ginagalugad ng mga sundalo ang iyong katawan. Gumagapang ang lungsod tungo kanayunan.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa looban, makikipot na eskinita. Walang makikita ni anino ng aso maliban sa mga pulis na binubulabog ang katahimikan ng kanilang paghinga. Hinahanap nila ang katawang ihahalili sa kanilang gawa-gawang pangalan sa kanilang gawa-gawang listahan. Sinusundan natin sila ng tingin, ang asul nilang balat-kayo, sinusundan natin sila hanggang sila ay mapagod, hanggang sa parangalan nila ang isa’t isa dahil natupad ang kanilang pangako ng kaligtasan, disiplina, pinagmamasdan natin ang kanilang mga kamay na walang takot, malinis na malinis, tangan-tangan ang baril, pinapanood natin ang kanilang labi na humahalik sa pisngi ng asawa, ng anak, ng paanan ng santo, ang bibig na kayang humingi ng pang-unawa dahil sila lang ang nakauunawa, sinusundan natin sila hanggang pagtulog, hanggang panaginip, kahit sa ating mga panaginip, tayo ay mabubuting mamamayan, nakabantay sa likod ng itim na kurtina, nagmamasid, pinipigil ang hininga na parang may baril na nakatutok sa bibig.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa ibabaw, ang poon na nagpupuyos sa galit sa mga pagtatangka ng paglipad. Biyaya niya ang sako-sakong bukbok at sako-sakong pinatay. Tulad ng pangakong tataba ang isda, tumaba ang mga isda sa dalampasigan. Luwang-luwa ang mata na parang piping saksi na anumang sandali ay sasabog ang tiyan.

 
 
 
 
*
 
 
 
 

Sa ibayo, ang buong maghapon. Sa maliit nating mundo, tayo ay mga batang naglalaro ng holen, walang muwang at wala pang hinagap sa bukas. Isang araw, humagulgol ka nang walang dahilan. Hindi mo matunton kung saan nagmula o kailan nagsimula ang sakit. Sa bigat ng iyong kalungkutan, iipunin mo ang mga kristal na globo na nagkalat sa silid. Pupulutin mo isa-isa. Nang sapo-sapo mo ang lahat-lahat, tatayo sa gitna ng sirkulong iginuhit sa sahig saka haharap sa akin. Titingin nang maigi. Saka isusubo at lulunukin ang bawat isa.