Alam ko na iyan kahit mabibilang pa lamang ang edad sa mga daliri ng kamay. Ang aking bag, halimbawa na ilang taon nang hindi napapalitan. (Pampito ako sa walo, inyo na sigurong maiintindihan.) Isang araw, pinagtangkaan kong patayin ang pobreng bag. Buong tiyagang hiniwa ang telang malakatad ang dating sa mapurol at nangangalawang na cutter. Sa wakas, ibibili na ako ng bagong bag! May mga bagay na hindi namamatay— nalaman ko ito nang makita ang mga sulsi ng ina sa pobreng bag.