Kyla Vivero, Camarines Sur Si Kyla Vivero, tubong Camarines Sur, ay dating punong patnugot ng pahayagang An Tingog ng San Rafael National High School. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa Bicol University sa kursong Bachelor of Arts in Journalism. Nailathala ang kanyang mga akda sa Habi Zine ng Titik Poetry, at Takatak: Mga Haraliputunon na Usipon.



May Nakakubling Elemento ang Pananahi


Bumangon ka isang araw noon
upang tabasin ang kasiyahang
ayon sa sukat ng iyong katiwasayan. 
Pinagtagpi-tagpi ang mga bahagi,
magmula: manggas, bulsa
hanggang botones. 
Binusisi ang bawat sulok,
tinastas ang mga tutos na hindi
umayon sa nararapat sa linya. 
Pinatakbong muli ang mga daliri
sa paisa-isang tusok ng karayom
sa lunan ng kapanganakan ng ligaya. 
Nang matapos,
agad mo namang sinuot
ang bunga ng itinanim mong pagsusumakit. 
Isinayaw kapares ang yakap sa sarili. 
Hindi mo na pinatahan ang awit ng
kaluguran; ang tugtog na nagbibigay hudyat
sa pagbalse, bawog at hayon-hayon. 
Hanggang sa kumatok muli sa pinto
ng 'yong kaluluwa ang mga pilas ng
kalungkutang naiwan mo sa nakaraan — ang
mga retaso ng pagsisisi. Lubos kang
nagalak sa pagpunas ng tigmak
mong pawis. Nakaligtaan mong magligpit
ng mga panghihinayang, dalamhati't
paninimdim, dahil ang mga patibong
ay lingid sa nakikita. Pagkatapos ng pananahi, 
isasayaw ka na naman ng lumbay.