Joshua Mari B. Lumbera, Cabuyao City, Laguna Si Joshua Mari B. Lumbera ay nakatira sa Cabuyao, Laguna. Nagtapos sa kursong BS Psychology (cum laude) sa Pamantasan ng Cabuyao. Kasalukuyan siyang nagtuturo bilang Assistant Instructor sa Our Lady of Fatima University – Laguna Campus. Siya rin ang Filipino Editor ng Novice Magazine.



Tatlong Tula


Ráya

Para kay Eda
Katulad ng gabing dumakot
ang talukap ng dilim
sa palahaw ng bulalakaw,
isinilang ang unang alitaptap
sa sanga ng ambrosya
sa aming bakuran,

ganito ka rin dumating
noon sa mundo,
pumunit ako ng bahaghari
sa katatapos na ulan,
isang bagay na ang kapalit
ay ang aking gunita

kung paano kalimutan
ang magtampisaw sa ulan
at tumanghod sa kawalan
sapagkat akay kita
sa aking bisig,
kimkim ang hiwaga ng langit.
      
      

Pilat sa Balintataw

Para kay Pauline
Patibong ang lahat ng gabi
laging pipiliin ng mundo ang bangin
ng mapayapang himbing
ngunit sa dalagang ina,
ang mga katiting na panaginip
habang hele ang naalimpungatang anak
ay pilat sa balintataw
na walang hapding liwanag o dilim.
      
      

Ang Salamin ni Lola

Para kay Pilang
Sakramental ang kristal
Sa tuwing tumitingin
Nang hindi napupuwing,

Eternal na lagusan
Sa iyong pagninilay
Ang hiwaga ng mata.

Nananampalataya
Ang gunita ng wangis
Sa lirip ng salamin.

Tanging gintong silahis
Ng araw ang nagdilig
Sa natatanging binhi.

Sumibol ang bulaklak
Na hindi nalalanta,
Ang puso ng diwata.