Kasuy
Nag-aanlaw na kami. Nasa kalagitnaan ako ng istorya
kung paano tinakot ang lalaking nagsamulto nang lumabas
ka sa sugalan, sinabon ako dahil sabi mo’y nawalan
ng pampaswerte at naisanla pati motor. Kapalarang simpakla
ng kasuy. Binalasa ko ang langit kakahanap ng pingas,
nakatuping pahina o ano mang palatandaan kung handa uling
isugal ang puso pero wala. Patay ang mga tala. Ano ang aasahan
ko sa iyo lalaking iniwan ng asawa dahil sugarol? Umupo ka
sa tabi ko. Ipagpapatuloy sana ang naudlot na kuwento
nang lumitaw ang mala-kasuy mong biloy na sa hinala ko’y
nagpapakita lang kapag ako ang nasa iyong paligid. Gaya dati,
naglakad tayo sa madilim na kalsadang niyuyupyupan ng kawayan.
Wala ni singkong duling sa bulsa pero may nakabukol na kasuy
sa harap. Para akong magkakabiloy sa isiping ako ang prinsesang
walang mani pero patuloy mong pinapaupo sa basag na tasa.
Hanggang isang bulalakaw ang pumunit sa lalamunan ng uhaw
na langit. Pagpasok sa kuwarto, nadatnan natin ang bunso
mong naghihilik sa kama mo, nakatulog kakahintay sa iyo.
Arko
Pagod nang manalamin ang lambong ng mga puting ulap
sa rabaw ng sansinukob. Mahimbing ang pagkakapikit
ng orisonte. Ang pagsalpok ng alon sa batuhan ay tila
isang malayong panaginip. Muling naglakad ang ispiritu
sa mukha ng karagatan. Hanggang isang anino ng munting
ibon ang bumasag sa katahimikan ng tubig. Pagal na
sa mahabang pag-iikot ang puting kalapati, humapon ito
sa pasimano ng arko na may tangang dahon ng olibo sa tuka.
Sa silangan sumasalubong ang bahaghari. Naka arko ang hugis,
hindi tuwid. Patunay na bilog ang mundo. Sa dulo ng bahaghari
ibinaon ng Maykapal ang tipan na hindi na muling lilipulin
ang buhay. Makaraan pa ang ilang araw, sasadsad ang buhay
sa tuktok ng Ararat, magkakaugat at muling yayabong.