hindi makaakyat ang mama sa ikaanim na palapag may bala sa kanyang hita at dugo sa bibig kung ang bibig ay bansang hiniwa ang ugat at ang dugo’y maharlikang nayon ngayon nangangapa sa patay-sinding ilaw habang pinupukpok ang ulo ng panibagong pasakit. hindi makaakyat ang bata sa ikaanim na palapag dahil pinintahan siya ng pula ng amang gumagawa ng pera mula sa kamay ng bagong heneral mula sa bibig ng kalansay tatahol ang kayang tumahol at luluha ang lahat ng pinilasan ng karapatang magsalita. bata ka pa pero kaya mo na bata ka pa pero kaya mo nang paapuyin ang bituka para isuka ang pinipilit nila. bata ka pa pero kaya mo na bata ka pa pero kaya mong amuyin ang sangsang ng ikaanim na palapag; hindi mo nais malaman kung paano sila tumingin sa baba dahil bata ka pa at may mga hagdan na sinusunog para gumawa ng panibagong bansa. bata ka bata ka ngunit hindi bata bata para kalasin ang lumang tanikala bata para alamin ang bata para sa bansa.