Christian Jil Benitez, Rizal / Bangkok, Thailand Si Christian Jil Benitez ay isang makata at iskolar. Nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Manila, kung saan siya nakapagtapos ng AB-MA sa panitikang Filipino, kasalukuyan siyang nag-aaral ng panitikang pahambing sa antas doktorado sa Chulalongkorn University. Ang kaniyang unang aklat, Isang Dalumat ng Panahon, ay inilathala ng ADMU Press noong 2022.



Sanaysay sa Pagkahimpil, bilang Kalbaryo


Issue No.6

Nasa pagkahimpil ang kalbaryo. Sabihin, ang daigdig: waring hindi kumikilos at pawang umuugong sa sarili nito. Kung paano ito umiikot at hindi papabago. Kung paanong sa pinakabalat nito, may mga batong hindi nababaligtad sa kabila ng pangangatal ng kinatitirikan ng mga ito. Ang mga batong sinasakluban ng kaligawan ng mga damo. At mula sa kasukalang ito, sabihin, isang dahon, sabihin, ang kanipisan ng dahong ito, sabihin, amorseko’t mga mumunting buto nito. Ang gayong pagyuko ng mga lunting ito sa hindi nakikita’t matukoy-tukoy. Ang katotohanan ng pagkilos ng mga bagay na ito mula kung saan mahihinuha ang isang kung anong puwersang tumatanggi na hindi mabigyan ng pansin. Iginigiit nitong mapagnilayan ang kaniyang sarili, tumatawag para man lamang mapansin—tumatawag parati ang hangin para ito man lamang ay mapansin. Itong napakahinay, bagaman ang sabihing nasa ibabaw ito ng mga damong-ligaw ay hindi rin ganoong tamang pagpapalagay: higit na angkop marahil ang sabihing ang hangin ay nasaanman, liban na lamang kung saan naroroon ang bagay-bagay, kung saan ito ay wala. Sa gayon, ito ang matatagpuan sa mga sulok na pinakakamunti-muntian, kung saan halos sinasaling na ng bato ang lupa, kung saan humihiwalay ang upak mula sa buko tuwing ang isang amorseko ay mapipitas, sadya man o hindi, mula sa dawag. At sa gayong pakikipagdaop nitong hangin sa kadawagan, ang palaisipan: kumikilos ba ang dawag o sadyang pinakikilos lamang—o ang gayon ngang pagdududang marapat lamang mabigkas, sa malaon na ring pagbabatay ng kasaysayan sa mga sandali ng paggalaw upang masabing may nangyayari sa bagay-bagay. Sapagkat sa katotohanan, kung ihahambing ang mga damong-ligaw sa mga bato’t sa daigdig na kinatitirikan ng mga ito, alinsunod na rin sa kanilang magkakatulad na wari hindi pagkilos, masusukat na nagdurusa rin lamang ang dawag hindi kaiba ng daigdig, ng mga bato: magnasa mang kumilos, mananatili pa rin ang lahat ng ito sa pagkahimpil, na kung saan naroon ang kalbaryo. Subalit hindi ba matatayang gayon din ang hangin, sa gana ng palagiang pagkilos nito; na hindi rin ba sa huli, maging ang unos, kung palaging magpapakaunos, ay hindi na rin mapakahuhulugan pang unos? Tulad ng liwanag, kung paano ito laging pumupuno: kung paanong para dito, isang malinaw na landas parati ang mula sa hangin tungo sa dawag, tungo sa mga bato, tungo sa daigdig na kinatitirikan ng mga bagay na ito. Kung paanong ang lahat ng ito, kung tutuusin, ay pawang usapin ng kinalaunan, na sa gana na rin ng bilis ng parehong liwanag, nangangahulugan samakatwid na ngayon. Kung gayon, kung hindi masasabing gumagalaw ang bato sapagkat parating nakahimpil, hindi rin ba gayon ang liwanag sa palagiang pagkasaanpaman nito? Sapagkat ang wari kawalang-himpil, sa huli, ay parehong pagkahimpil. Kung gayon, ano ang liwanag kung hindi rin ang hangin, ang dawag, ang bato, ang daigdig: tumbasan ng mga bagay na pare-parehong pagkahimpil, walang alinmang nakahihigit. Samakatwid, ang kalbaryo: sa kahimpilan, ang kasakitan, na higit pang totoo sa mga nagpapawari kilos samantalang tiyak din sa huli ang kahihiligang pagkahimpil. Kung paanong habang ang daigdig ay pasilangan, ang hangin ay maaari lamang sumalungat o umayon sa pagbaling na ito—at kung gayon, sa katunayan, wala rin talagang mangyayari: hindi ba’t gagalaw at gagalaw rin naman ang hangin, makita man ito o hindi? Ang kalbaryo, samakatwid, ang kawalang-silid para sa pagtanggi. Isang batong inihagis, titigil sa itaas sa halos hindi malilirip na sansaglit, at bababang muli. Ang gayong pagiging hindi maiiwasan nito, magnasa mang lumipad pasaanpamang ibang dako. O para sa mga naliligaw na damo: ang pumirme; sa hangin: ang tumigil; liwanag: bumaling papalayo mula sa mga bagay na nakatirik sa bukana ng dilim, kung hindi man maging katulad na ng dilim. Ang ubod samakatwid ng palaisipan sa lahat ng palaisipan: paano makatatakas ang mga bagay mula kalbaryo ng sariling pagkiling? Bagaman sa pagiging hindi pa rin nasasagot nito, kinalaunang nagiging palaisipan din ito tungkol sa parehong sarili nito: paano maiaadya ang parehong tanong mula sa pagiging hindi na tanong, gayong hindi masagot-sagot, animo bumabaling sa katulad na paghimpil, kung saan naroroon ang kalbaryo? Isang retorikang naggugumiit, isang walang kaibhang tinig, pawang pag-ugong, mga katulad na pag-uulit, nasang maidiin ang sarili, at iba pang katulad na mga wari pangyayaring hindi naman talaga mga pangyayari. Ano, kung gayon, sa mga susunod na sandali: marahil may bubulabog din sa katahimikan sapagkat, sabihin, kinalaunan, kung saan, may isang paa lamang ang maiaangat mula sa balat ng lupa, kung para din lamang maitapak dito muli. Kaluskos sa mga damo, hangin sa pagitan ng mga daliri, sa liwanag pagbabanlawin: noon din samakatwid ang paninibago ng mundong kinatitirikan ng bagay-bagay—ang gayon ngang pangyayari sa wakas, bagaman bago ito dumating, ang lahat ng pagkukuro hinggil sa nasabing sandali, ang tulang ito, ang pinakatulang ito, ay mananatili munang isang pagkahimpil, na hindi rin ba ang parehong hangin, parehong damong lunti, mga bato, ang daigdig. Walang nakahihigit.