Christian Jay Raynera, Valenzuela City, Metro Manila Si Christian Jay Raynera ay tubong Valenzuela City, Metro Manila. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Marketing Department ng Rex Publishing. Noong 2022, inilathala niya ang kanyang unang aklat ng mga tula na pinamagatang Tenant bilang isang self-published na proyekto. Pagsapit ng 2024, nailathala naman ng Gadgad Press ang kanyang ikalawang aklat ng mga tula na pinamagatang Kapag Hindi Landi. Bukod dito, mababasa rin ang ilan sa kanyang mga tula sa anyo ng zine na inilathala ng Bente-Bente Zine.



Sa Biyahe Patungong Quezon Memorial Circle


Issue No.10
Walang humpay ang kamot-ulo
ng aburidong taxi driver.
Naiintindihan ko, apektado
ang hanap-buhay kapag ganitong
pinapatay ng sama ng panahon
ang mga kalsada at lungsod.

Binuksan niya ang bintana,
tinanong ang motorista:
ano’ng meron, bakit ganito?
Hindi ko narinig ang sagot
dahil sa palahaw ng ulan.
Hindi maintindihan ng taxi driver
kung ano’ng meron, kung bakit ganito.
Sa isip ko: walang meron kaya ganito.

Hindi ko masabing madilim ang ulap
ngunit may bahaghari
kung saan kami pupunta.

Hindi ko masabing masama ang panahon
pero mabubuting tao ang naroon
kung saan kami pupunta.

Hindi ko masabi
kung saan kami papunta
kaya ganito.

Meron akong takot
kaya ganito.