Carissa Natalia Baconguis, Los Baños, Laguna Nailathala na ang mga akda ni Carissa Natalia Baconguis sa Heights, Marias at Sampaguitas, Pa-Liwanag: Writings by Filipinas in Translation (Gantala Press/Tilted Axis Press, 2020), 聲韻詩刊 Voice & Verse Poetry Magazine, at Young Star. Noong 2019, nakatanggap siya ng gantimpala para sa kaniyang mga tula sa 26th Dalisayan: Loyola Schools Award for the Arts ng Pamantasan ng Ateneo de Manila.



Galimgim sa Panahon ng Quarantine


Ang tanging pagkakamali mo    ay tingin mo masasaktan mo ako 
                                                               sa wikang hindi ko inaangkin. 
Makikilala mo rin ang titik nito kung pumasok ka man lang sa tahanan kong nasusunog. Makinig 
ka:                     walang nagsasabi na ito 
ay paninilab.               Alam mo ba ang pakiramdam na magsimula ng apoy 
                                   at pagkatapos ay maging ito? Akala ko rin. 
Sana pinagmumultuhan na ito. Parang nalilimutan ko na rin 
kung paano maglakad. Nagbibilang ako: kaunti lang      ang araw natin. Alam niyo naman ito: 
isang paa 
                                   tapos ang kabila, at kapag ako’y tumanda: 
                                                isang paa tapos ang kabila, hawak ang kamay sa 
nabubulok na kamay. Sumasayaw  na ako muli. Tendu rito sa baldosang ito. Tendu roon sa 
baldosang iyon. 
Tendu tulad ng punas.                                        Sukat ng kuwarto gamit ang katawan. 

            Iniiwan kong bukas ang bintana para sa mga aswang, sa kanilang dila, pakpak, at uhaw— 
pag-ibig sa bangkay na hindi namamatay. Tumayo ka sa may puno ng rambutan
            at makikita mo ang katawan kong dalawang-katlo; kada umaga magigising ka bilang araw 
at ako’y lunod muli                              sa apoy. Masdan mo nga kung anong ginawa mo, 	
                                   umaapaw pa rin ang usok dito.  Naglakad ako at nagbilang: 
hindi ko alam kung ano ba dapat ang titingnan ko. Sarado na ang mga tindahan; limang minuto 
akong nag-abang ng jeep
            na hindi na darating.       Kita ko si Choco sa tabi ko      hanggang siya rin ay pumanaw 
sa idlip. Minsan, 


            masyadong mahigpit ang kapit ng aso ko 
            at iniisip ko na hindi ako 
            ako kundi isang ibon 
            o ipis sa bibig pagkatapos ng habol.
            Gutay-gutay at buhat sa dila
            bilang regalo, bilang  Tingnan niyo po, 
            ginawa ko ito para sa inyo.                              Ano bang kailangan kong pansinin dito? 
Kung gaano kahaba  
            na ang damo, kung gaano kakapal ang mga puno 
            ngayo’y walang dumadaan? Kung gaano kaingay pa rin            ang mundo 
                        kapag ang hukag ay ang nagbibigay laman? Kapag sumasayaw ako,

ako ay ang Adarna ni Stravinsky. Nakasakay ako ng lobo sa gubat. 
Ang sayaw na ito ay digmaan. Kamay mo sa akin 
                                                                          sa bawat arabesque, 
                                                                          sa bawat pas de deux. Kumurap ka 
at sa isang idlip: 
muling tumatayo ang higaan hanggang bubong. Muli at muli            ako’y napangiwi 
dahil wala kang sugat na maibibigay sa akin      na hindi ko na naibigay sa sarili. Ang tingin mo
                        ang unang pagkakamali: 
                                                kung gusto mo akong silaban, hanapin mo ako 
                                                sa dupong. Harapin mo ako sa abo. Hawakan mo ako, kamay sa 
                                    bulok na kamay.
Huwag mong kalimutan na ang bahay na ito                ay tahanan ko. 
            Diniin ko ang aking paa sa lupa. Alalahanin mo ako 
habang inaalala kita. Matumba man ang isang paa                                 at pagkatapos ang buong 
katawan, alam mong madali lang akong                       hanapin. Idiniin ko ang tainga ko 
hanggang marinig nito ang tagong ugong, 
                        ang ungol ng tiyan ng lupa. Hinahanap mo ba ako? Akalain mo 
                        na sa tagal ko na rito, 
                                                magiging mas magaling na ako. Waltz sa kamay ng 
multo,              sa kamay ng kamay na walang makapitan. Masdan mo man
ang salamin                              at ito’y mananatiling malinaw pa rin:
                                                                                                            Ikaw. 
Pagkatapos ng lahat na ito ikaw pa rin iyan. Parang laging masyadong maliit ang bahay na ito
            para sa katawan na ito. Parang laging masyadong malaki ang katawan na ito para sa puso 
na ito.            Hindi sa hindi ko sinusubok lumayas. Hindi ko kaya. Kita ko 
            ang puno ng rambutan            at ang aso ko at ang bintana at 
            ang rambutan. Firebird at ang kaniyang prutas;
ang kaniyang magpakailanmang prutas. Tumatanda si Choco, bumabata, depende
kung naalala ko pa kung ilang oras na ang nakalipas. Nakikinig
ka ba:               walang nagsasabing nakita ka nilang      magpa-apoy sa sarili mo. Ako ay 
sumasayaw. Baka sakaling makita mo ako. Baka sakaling            wala itong kahulugan
sa iyo. Sa tingin mo ba                                       ako’y nakirot? Ako rin 

ay tumangis sa nakaraang prosa. Ang katawan na ito     ay tutubo at mamumukadkad
sa dumi. Tumayo ka sa ilalim ng rambutan at tingnan kung paano bumubulaklak 
ang kanilang mukha,                            ang kanilang mukha takip ang tamis,
nang walang hanggan. 		 
                        Ako ay kawalan                        hanggang ako ay nariyan.
Ako ay nasa lahat ng lugar sa lahat ng oras. Ako ang apoy,                    ang lupa, 

at ang saksi. Ay,            mundo, 
sasabihan mo ba ako     kung ako rin               ay nagbago na para sa iyo?  
Kung ang lahat ay maaari pa ring umiral,               may susunod pa ba rito at
hindi pa rin ako               maaaring matunaw?