Nahulog ang oras sa bangin tulad ng saranggola kong puti. Hindi ko na muli pang mababawi, Umupo na lang ako sa gilid at nag-isip. Ang oras ay para sa pagmamasid. O pagpikit. Ano bang dapat Kong maging? Sabi ng magulang ko: Abogado Na kasal sa isang manedyer. Sabi ng bangin: Waa... laa...kaang Maa...raa...raa...tiiing. Ngunit may mga sandali ring tahimik ang lahat. Hanggang isang araw, may mga pares ng pakpak ang bumungad At nagpalutang-lutang sa aking harap. Tanging mga pakpak At walang katawan. Maliliit subalit humahangos sa liwanag Ang pagkasarikulay. Sigurado ako: hindi na ako patatahimikin Ng kanilang pagkampay. Tila muli’t muli silang sumusuot sa aking kaliwang tainga Upang tumakas din pagkaraan sa kabila. Matutulad ako sa saranggola Sa pag-ikot at pag-alagwa sa paghahabol sa kanila patawid sa mga ibayo At mas matatarik na bangin. Ganito ko malalanghap Ang hininga ng araw ─ sa pagpapaimbulog sa alanganin.