Ang Araw Bago ang Kaubusan
Paroo’t parito sa kanyang selda ang huling nalalabi ng kanyang lahi. Pambihirang araw: tanghaling tapat, at pinapayungan ng mga magulang ang kanilang mga batang kinakakalampag ang mga rehas, inuudyok ang alam nilang hindi sila maaabot. Hindi sila makakagat, masasaktan. Sa sandali na makikilala natin siya, sa video, halata ang asinta sa kanyang bawat hakbang. Hindi kaya’t dapat sanay na siya sa ganitong pangyayari, na tuwing tag-init ay wala siyang aabuting siyesta dahil walang pasukan? Wala sa paaralan ang mga bata: naroon sila sa danaw, naliligo, habang tuluyang tinutusta ng araw na doble ang sinag sa kanilang balat dahil sa kislap mula sa tubig; o nasa mga kalsada sila, pinagbabato ang mga ibon at magandang mga sasakyan. May ilang bata na nandito, tinatanaw ang iba’t ibang hayop habang hawak ang sorbetes at kamay ng kanilang mga magulang na hawak ang payong. Habang patuloy ang paglalakad ng hayop na walang dulong natutunton habang paroo’t parito sa loob ng kwadradong kulungan. Hindi lang din siguro tunay na mapapanatag ang dulo niyang kalahati, ang kanyang tigre na kalahati, handang lumundag kahit na halata ang pangangayayat sa kanyang mga binti— ngunit pinipigilan siya sa kanyang bangis ng kanyang pasensyoso at maamong ulo, ang aso niyang ulo, na walang-sawang binabaling ang tanaw mula sa mga nakatitig. Hindi nabura ng mga taon ng kanyang pagkakasilo ang hiya mula sa kanyang balat. Kung pangkaraniwang init sana, malamang tinitiis na sana ang araw ng mga taong nakatingin, kaya’t dalawa sa tatlo sa mga paslit na nakatanaw ang magkakakanser sa balat, sakaling abutin nila ang pitumpong taon. Ngunit isa ito sa pinakamainit na araw sa kasaysayan nitong mga taong pinanganak sa lupang ito kung saan tila ang tubig na bumubuhay sa iyo’y gusto ka ring patayin. Baka ganito ang pagtrato sa kanila ng lupa dahil hindi naman talaga sila taga-rito, mga anak ng dumating mula sa isang bayan kung saan malumanay ang init ng araw, at malayong mas malamyos ang simoy ng hangin. Siguro nagmula dito ang kanilang pangangailangan na amuin ang buong mundo, sa pagpangalan, pagkulong, pagluto, paghamak, pagtala, pagvideo— gayunpaman ay hindi na natiis ng hayop ang kanyang inis sa mamang hawak-hawak ang isang kamera na kasinglaki ng kambing at patungan na parang sungkod, at dahil dito binilinan ang mama ng apat na butas sa kanyang pantalon at puwet bago dinampot ang hayop, pinagpapalo, at naglaon hinayaang mamatay sa init.
Kutsilyo
Gusto ko yung may talim na masusugat ako sakaling mamalikmata ako. Gusto ko yung masyadong malaki, halos hindi magkasya sa aking kamay. Yung may sapat na kapal ang likod, na tumatama sa aking daliri nang magkakalyo sa paulit-ulit na pagtadtad. Na kapag nilapat sa gulugod ng manok ay wala kang mararamdaman sa paghiwa. Gusto ko yung ako ang magpapakalawang sa katawan, yung sasakit ang aking pulsuhan sa paggamit, na sa tuwing dadating ang panahon na kailangan ko na itong hasain, kahit anong ngawit ng aking braso sa paulit-ulit na pagkiskis, pudpod pa rin, hindi na muli mababalik ang unang talim. Gusto ko yung kakaiba ang hugis, tulad ng gamit ng napanood kong chef na ‘di-gaanong komplikado ang niluluto sa mga palabas ngunit naaaliw ka sa kanyang biro. Kailangan mong tumawa kapag binibiro ka ng isang taong 6’5”. Wala nang palabas ngayon ang network na iyon dahil hindi daw sila patas magbayad. May isa silang palabas na inutusan ng kanilang boss ang natukoy kong chef na hasain ang kanyang kutsilyo. Isipin ang kapangyarihan na kailangan mong taglay nang mautusan ang isang mama na halos isa’t kalahati ng iyong bigat, sobra ang isang ulo ang lamang sa iyong tangkad, mama na hindi mo maaabot nang makaganti sakaling maisipan niyang saksakin ka, gayun na lamang ang haba ng kanyang abot, na kunin ang iyong mga kutsilyo sa iyong bahay at hasain. Kapangyarihan na nakasasara ng kumpanya. Pabilog at pababa ang kutsilyo ng chef, yung ganoong hugis ang aking nais, gusto ko yung ibabaon sa aking gilid sa loob ng aking kabaong manglaon, nang mabungkal pagdating ng panahon ng mga mananaliksik, makalipas ang ilang libong taon, nang akalain nila na ito ang ginamit kong sandata sa digmaan, o ‘di kaya’y isiping isa itong kasangkapang pangsamba.
Ang Sandali
Tulad ng kay Mary Szybist
Para kay Coleen
Kita ko sa iyong mata ang lalim na iyong sinisid sa tanghaling-tapat. Lalim na abot-balikat, abot-sinapupunan. Pambihirang lalim na hindi aakalaing matataglay ng isang balde, pambihirang balde. Pangako ng Panginoon, hindi na muli malulublob ang buong mundo sa tubig. Kung paano na muli mananampalataya sa mundo na sa bawat pagpiga ay tubig lamang ang binabalik. Mula sa tela, mula sa dibdib. Gusto kong ibalik sa iyo ang naglisan sa di-matumpok na sandali, tulad ng sandali na hinila ko mula sa iyo ang iyong dala at hinandog sa iyong nag-aabang na mga kamay, basa sa sarili mo mismong likido na pinambalot sa isang mundo. Kung paano ko ba masasamahan ang iyong dalawang braso sa pagpasan ng mundo na wala na riyan.