When I landed on your soil, I said to the people of the Philippines whence I came, I shall return. —Douglas MacArthur
Itong kapitbahayan
sa loob ng dalawampu’t taon wala na ang bahay na ito. Binenta na naman ng gobyerno sa mga oligarko. Mula sa bintana, waring sumasayaw na kamay o apoy ang natitirang dahon sa mga payat na sanga. Monokromo ang lahat, parang tatlong taon lang ang nakaraan o tatlong taon sa hinaharap kami, na narito, ay wala na. * May dalawang babae sa labas ng kampo, mga walang suot, ang isa ay matandang naghihintay. Hinihintay bumalik ang anak na sundalo.
Sa Kusina, Wakas
Bago pa man ako maghanda para sa eskwela, makikita ko si nanay sa dilim ng umaga, nakatayo’t nakadungaw malapit sa bintana, nakadaster, nakapaa sa’ming munting kusina. Naghuhugas siya ng mga nakatambak sa lababo, kagabi pa ang kutsara, tinidor at kutsilyo. Nang minsang muntik nang makabasag ng baso’t plato tahimik lang siya sa paglakas ng tulo ng gripo. *
Sa kusina naghugas ng mga ginamit sa lababo na dalawang linggo nang nakabinbin. Hindi anim na taon ang kinailangang bilangin upang sabihin na dinalaw ng gagamba ang platong metal na naiwan kasama ng pinatutuyong hugasan: plato, kutsara, tinidor, kutsilyo, kaldero ng kanin, kung saan may umusbong nang amag sa tutong. Sabi ng lalakeng inibig, ang solusyon daw ay asin.
Pagtatanod
Humahampas ang liwanag mula sa labas sa mukha ng babae. Tumutulo ang tubig sa salamin. Tinabihan niya ang asawang taimtim ang pagtulog. Hinipo ang balikat, sinuklay ang buhok, isang halik sa noo at labi, pinatay ang ilaw sa kwarto sa huling pagkakataon. Lumangitngit ang palapag sa bigat ng mga paa.