Muling aakit ng babala ang mga araw— magiging mabigat ang mga susunod na buwan pagkat lumalamig at kailangan mong lagi’t laging makipagtalik sa iyong hanapbuhay. Kahit tiyak na hindi mo ito iniibig. Mamamalayan mo na lang, buntis na ang iyong mga bulsa. Kapag nariyan na’y magiging maselan ang iyong kondisyon— mabigat ngunit hindi maaaring ilaglag. Umaasa ang mga inaanak. At dadating ang itinakdang sandali. Hayaan ang iyong mga bulsang umire nang umire. Masakit at sisigaw ang iyong loob ng “Tama na!” hanggang mawalan ka ng malay, bumalik sa ulirat, at mapangiti ng alaalang kaparehas ni Kristo ang kaarawan ng mga ipinanganak.