Aileen Atienza Dacut, Quezon City Si Aileen Atienza Dacut ay dating patnugot ng pamahayagang Ang Parola ng Quezon City High School. Nagtapos siya ng kursong BSED Filipino sa PUP Sta. Mesa, Maynila. Nakapagturo na siya ng Filipino (Applied at Core) sa University of the East, Maynila. Sa kasalukuyan, pinalalago niya ang kaniyang kalinangang pampropesyunal sa ilalim ng mga programang Master ng Edukasyon sa Pagtuturo ng/sa Filipino at Sertipiko ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa PUP.



Parapamatbat


Issue No.2
            “Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma
            na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana
            ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao,
            kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga
            tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga
            hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid.” —Efeso 6:11-18

Alapaap nang matupad ang pangarap
Marso 29, bumagsak ang eroplano
Lulan ang pasyente sa gitna ng pagkalat
ng mahiwagang sakit na walang lunas
Higit sa tisis ng pulmonya
Naglililo ang hustisya
Sanlibong hukbo ni San Lucas
Inupos ng mga sugo ni Pontio Pilato
Sa mga pangakong hindi kailanman matutupad.

Marso 11, dalit ng isang anak: malayo sa ina ng saklolo
Sa amang hinahalimhim ang naghihingalong pulso
Buksan ang bintana sa pag-asang kapag umusal ng dasal,
Makikinig ang langit
Mistulang puhon sa poot
Ang dulog sa poon
Tangis.

Sa bawat pisil sa butil ng misteryo’y
Nagdudulas sa luha at pawis
Rosario sa passion sa atong Ginoong Jesucristo
Huminga ka nang malalim at hihinga na rin ako nang malalim
Sanggang dikit
Sobrang lapit
Walang araw na patid
Hanggang mawalan ng pintig
Saan dudulog?
Nagsara ang mga pasilyo ng templo
Isang dipang distansya sa panginoon
Bawal ang pahalik sa dayong talampakan
Sa nalagutan ng buhay
Sa biktima ng opresyon
Sa mga kalag sa purgatoryo
Sa pagbangon at pagtulog kayhirap
Imulagat ang mga mata
Puputok ang bulkan, sasabog ang dibdib.

Walang kasiguruhan ang kinis ng bukas
Huling tabon ng lupa at tapon ng luha
Sa yungib ni Lazaro
Sunóg na labí at usok sa bukana ng mistulang pugon
Dinig ang lagatok at lutong ng mga buto
May tinapay din kaya ang patay gaya sa tinapay ng buhay?

Darating ang panahong pataba na lamang sa lupa
Sa makatwiran o makatarungang pamamaraan
Ninais na mamaalam
Ngunit hindi sa pinangarap mong katapusan
Hindi kalilimutan ang mga pangalan
Sila na mga pumanaw sa labang
Sumalakay ay kaaway na hindi masilayan
Sa paglisan, sila’y pag-uusapan
Ng mga tahanang tinakasan ng pag-asa
Para ibuhos ang pananangis
Sa abang pintakasi

Totoo ba ang langit?

Sa panaginip,
Suot ang mga puting baluti
Panangga sa panlabas,
Sa kaluluwa at diwa ng katotohanan
Itinuro sa banal na kasulatan
Saka tinatakan ang bukay na kalatas
Nakikita mo na ba ang bulaos ng buhay na walang hanggan?