Patawarin ang albularyo,
sabihin na baka ang
kanyang danas ay
sapat na rason.
Patawarin ang anito,
masdan ang kanyang
kayumangging balat
na kawangis ng iyo.
Tignan ang kanyang
pag-upo at tanungin
ang sarili kung
nararapat siyang
sambahin.
Patawarin ang dugo ng
isang tupa, na natuyo
sa isang puting trapal.
Pagbigyan ang mga
ngiping nangitim.
Pagbigyan ang
mga kamay na
hindi makayakap.
Pagbigyan ang mga
sundalong itinaas ang
kanilang mga baril
tungo sa kulay-abong
langit.
Pasensyahan ang mga taong
tumingin pataas ng isang
beses at hindi na muli.
Pasensyahan ang tila
pa-irap na paglaho ng
araw. Pasensyahan ang
mga mata na anino lang
ang nakikita. Ang mga
lalaking pinalilibutan ang
mga babae ng kanilang
silweta.
Ipawalang-sala ang mga
paang hindi nahugasan.
Ika nga nila na ang dumi ang
nagsasabing nararapat
silang maging itim.
Ipawalang-sala ang mga
katawang tinakpan.
Sabihin na ang hugis
ng tela’y nilalantad
ang kamangmangan ng
tauhan.
Ipawalang-sala ang
mga birheng hindi
dumugo sa kanilang
unang gabi.
Patawarin ang sarili; ang mga butas
sa iyong mga palad. Ang mga
pagkakataong sinisilipan mo ito,
para lang makita ang puting
mga mata ng isang bulag na
―bata.