Gab Ruth Briones, Quezon City Kasalukuyang naninirahan si Ruth Briones sa lungsod Quezon. Sinariling-aral niya ang SEO writing at nagpaplanong gamitin ito para pagyamanin ang panitikang lokal.



lahat ng tao nagkakasala


Issue No.5
tuwi-tuwina
lagi’t lagi
pinapaalala’t pinararandam
sama-sama pagkasala
walang-walang sarili lang
patas-patas (kuno) kung maghirap
damay-damay sapagkat dapat lang
‘di na kailangang isa-isahin pa
ang bawat pagkukulang
minali’t mali ka aba ay
ayos lang
‘pagkat nagkamali ka rin
at kahit na anong puna ay poot
bilangan lang
sana ika’y mamulat-mulat
kahit ikaw lang
‘pagkat kahit iisang pagdilat ay
nangangahulugang pag-alpas
sa sari-sariling bilangguan

ang pagkakamali ko ay hindi
pagkakamali mo
ang pagkakamali mo ay hindi
pagkakamali niya
‘di kita patatawarin
dahil lang nasaktan din kita
patatawarin kita dahil gusto ko
patawarin mo ako
kung mapagtanto mo
ang paghingi ko ng tawad
pagpapakumbabang walang sinasanto
kahit ako
hindi mo ako kailangang patawarin
dahil lang nagkasala ka rin
kaya pakiusap ko lang
iyong alalahanin
ang minsang salang iyo ay sa’yo
at ang minsang salang akin ay sa’kin
at ang salang kanya ay sa kanya
tanging nagiging sa atin
sa inyo
sa kanila
ang isang sala
kung ito’y salang
pinagtulung-tulungang gawin