Arthur David San Juan, Lungsod ng Antipolo Si Arthur David San Juan ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Inilimbag ang kanyang mga akda sa ANI, Kawíng: Refereed Journal ng PSLLF, at Loch Raven Review. Siya ang may-akda ng Sikreto sa Loob ng Kwarto (8Letters, 2019).



Buen Viaje


Issue No.3
Sa sikot ng Sumulong bumulong
ang kampana ng bundok. Ang pook, pinanahanan 
ng mga gusaling animo’y ulap 
sa pananaw ng ilang 
ibayong siyudad.

Sa tarik ng landas, bakas ang pagsubok 
tungong Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.

Ilang libong hakbang pa kaya 
hanggang huling hingalong hininga
upang masumpungan ang pagpapala
sa paanan ng simbahan
sa rurok ng kalupaan?

Antanda, antanda...

Ganito pala kalayo
ang lapit ng Poon
Sa pusod ng lungsod ng Antipolo.