Rainbow Baby
Malabo ang mga linya sa sumulpot na bahaghari.
Hindi pa ganap na bughaw ang langit
nang dumating ang malamlam na arkong
halos ikubli ng ulap ng sanlaksang alinlangan.
Paano nga ba pagkakasyahin sa puso
ang samo’t saring damdamin na inihahayin
ng magkakakontrang elemento sa langit?
Paano nga ba magpasalamat sa paglitaw ng liwanag
matapos lumpuhin ng marahas na unos?
Nanalangin ako ng liwanag sa gitna ng dilim
ngunit hindi agad maituring na liwanag
ang liwanag na dumating.
Bed Rest
Nakatakda na ang haba ng paglalakbay sa ilog
na kailangan natin tawirin natin nang magkasama.
Pinag-aralan ko ang mga naitalang babala:
punô ito ng mga balakid at sopresang panganib.
Ganito naman ang disenyo ng paglalakbay:
sasakay tayo sa magkahiwalay na balsang
pinag-uugnay lamang ng manipis na lubid.
Magkadikit, ngunit hindi ganap.
Magkalapit, ngunit hindi kita masisilayan
hanggang sa maabot natin ang pampang.
Ngunit may sapat nga bang paghahanda
kung kamatayan ang parating nakaamba?
Nasa kalagitnaan tayo nang umalog ang balsa ko
habang paluwag nang paluwag naman ang kapit mo.
Humiga ako sa gitna ng balsa’t
ipinaubaya ang balanse sa marahang agos
sabay iniusal ang palaging dalangin mula simula:
sana sa pagmulat ng aking mga mata
ay kasama pa rin kita.
*
Tala mula sa may-akda:
Rainbow baby ang tawag sa sanggol na ipinagbuntis matapos makunan/maagasan ang ina.