Zosimo Quibilan, Jr., South Pasadena, CA Zosimo Quibilan, Jr. is the author of Pagluwas (University of the Philippines Press, 2006), which received the 2006 Philippines National Book Award and the 2008 Madrigal-Gonzalez Best First Book Award. Together with multi-awarded filmmaker Khavn, Quibilan wrote the music and libretto for ²BAYANI: Isang Rock Operang alay kay Andres Bonifacio (Ateneo Arete), which will start streaming in April 2022. He occasionally gives talks on Filipino Fiction at UCLA and lives in South Pasadena, CA.



Tatlong Tula


Ang Bigat na Kaya Nilang Dalhin

      
Malayo pa lang, batid na naming 
tig-isang pawisang timba 
ang itinaas nina Tita Baring, Tito Boy. 
Limang pilapil ang itinawid 
nila para umigib ng tubig Nawasa.

Kanina pa kami naghihintay 
ni Nannette. Naninilaw na 
ang mga mata namin sa 
kapapaligo sa tubig-poso. 

Pati damit, pati ngipin. Dilaw. 
Inggit na inggit na kaya 
nilang balansehin ang bigat 
na kaya nilang dalhin.

Nang malapit-lapit na,
nabawasan ang aming saya. 
Kalahati na lang pala
ang tubig sa timba. 

Basa rin ang mga buhok nila.
Nahimalusan ang mga mukha
Dumilim ang mga damit. 

Walang mas mabuti pang gawin
kundi bumalik sa pamumulot
ng nangalaglag na aratiles.
Maghintay sa lilim, manginain
at huwag ipahalatang mapakla
ang mangilan-ngilang bungang
pulang-pula.
      
      

Hindi Mailatag-latag

Carabao Island
Mahirap magtapang-tapangan 
at magpigil sumuka, bumigay
sa pagkaliyo sa dagat na itim 
na kubre kamang hindi mailatag-latag 
nang maayos, patuloy na pinapagpag,
lumalapad, lumalawak gaya ng kadiliman.

Humahampas ang mga alon, 
minumumog ng sungki-sungking bato
sa gilagid ng aplaya, pinakikislap. 
Bawat pagsalpok, pagbanlaw
pinalilitaw ang mga hugis na hindi kayang
ilarawan ninoman, noon pa man. 

Hindi ko maiuwi ang mga harayang ito.
Hindi ko na mababawi ang tapang 
ngayong biglang naging matarik na pader
ang alon, tumataas at hindi maaakyat.

Patuloy lang ang paghampas ng dagat
sa mga paa, binti. Nakangingilo ang lagaslas.
Minsan may atungal na maririnig, o baka paghuni,
sumisipol ang hangin, nagsusumamo 
humihiling ng kung anong panalangin, 
kung anong kayang ibigay 
ng sikmura o ng bangka.
      
      

Bago Kita Ihatid Mamaya

Binagalan ko ang paghubad ng damit. Bahagya lang
ang pagpihit ng gripo. Pinilit ang sarili na hindi mag-ingay.
Para maisaulo ko ang bawat pagkaluskos ng backpack 
na kagabi mo pa sinisidlan ng pang-isang linggong
damit. Para marinig kong naiinis ka
dahil hindi man lang ako tumulong. Para
tahimik kong mapakinggan kung may bigat
ang bawat yabag mo.

Itinapat ko ang kanang kamay sa tubig
na kanina lang, malayang pumupuno sa timba.
Sumumpa akong tagalan pa ang pagligo
bago ikaw. Bago kita ihatid mamaya.
Ipinaalala ko rin sa sariling huwag
madulas banggiting maligamgam na ang tubig.
Na hindi mo na kailangan pang pakuluin ang takure.