Mga Patay na Hayop
Sa aking ruta, ilang patay na hayop na ang aking nadaanan: palaka, pusa, kung aso man ay may katabing bubog o buwal na puno o nakatirik na kandila makailan pang hakbang. Saan sila napupunta, silang walang muwang sa kamatayan? Nakapinta ang dugo sa kurbada. Ang maliliit na mga daliri at bituka, ang katawan na mabibigo maging ang kontorsyonista. Kung makata siguro ang nakasagasa, bababain niya at dadanasin ang sugat. Ramdam niya ang lagutok ng mga buto, ang pag-alagwa ng bituka katulad ng mga gabing nilango siya ng alak at wala pa ring maisulat. Ang bigat ng gulong sa katawan sa bawat pag-usad. Matutunghayan pagkatapos ang makata sa mga liham at hardin ni Roethke habang hinahanap ang sarili. Pagkatapos, ang usisa: Saan sila napupunta? Nakalatag ang putim-puting papel sa makinilya. Nakahanda ang scalpel sa utak bago simulan ang otopsiya: Nasaan ka? Nasaan ka?
Myopia
Maagang-maaga, nagtimpla ako ng kape pagkabangon. Lango pa rin ako sa huling panaginip. Hindi ko na maalala ang mukha ng Tatay. Ganito yata kapag kailangang kumalimot. Umusbong ang araw sa aking tasa: maliwanag ngunit di nakakasilaw, wari’y aparisyon. Humigop ako at nilamon ito. Pakiramdam ko’y kakayanin ko ang buong daigdig.