Voyager
Noong humayo ka, humulagpos ng heliospera itong gatuldok na manlalakbay, nag-iisang galyong sumasagwan sa look ng mga bituin. At natanaw kong ikaw ang mag-isang umuugit ng timon, nasisilaw sa pagdaragitab ng mga aparato at pagkislap-pagpanaw ng nalalabing liwanag. Anong mga kilapsaw ng aming daigdig ang sa iyo’y nananatili, ikaw na pumanaw naming astronomo? Sa intergalaktikong salamin, nababanaag mo ang pagsilang at pagsambulat ng panahon— ano ang kahulugan ng pag-iral na nilisan? Kung sasapitin mo ang dúlong dalampasigan ng uniberso, anong mga ipinabáon naming bulong at himig ang mauulinig kapag nagduruyan? Tumatahol ang iyong gunitâ sa layò ng kalawakan, tinutugis ang nebula. Tila ka ásong ipinalaot sa santinakpan. Hinahalughog ng aming hinagap ang mga hanggahan ng hininga, hinahabol ang iyong mga hulagway.
Relativity
Humihinto ang panahon kapag nilisan mo ang iyong siyudad. Bawat oras na mapalayô ay pagkaligaw sa engkantadong gubat, pag-idlip sa pampang ng isang lihim na lawa. Sa pagbabalik mo, pelikulang muling susulong ang panahon. Sa bintana ng taksi, nagdaraang MTV ang mga bulebard at bazar, ang slow-mo ng dumaragsang mga táo. Pagala-gala ka’t matutuklasang wala na ang mga dating dinarayo: ang aklatang sasadyain mo kahapon lamang, ang antigong bistro ng nagdaang gabi. Sa inuman sa patio, magbabayad ka sa kakilalang inutangan mo noong isang linggo, at ni hindi niya matandaan ang iyong pangalan. Wala na sa iskwater ang lahat mong kaibigan (yumao na ang ilan, ang isa’y tumatakbong senador). Walang makapagturo sa kinaroroonan ng mga dating folkhouse. Sa pag-alis mo, muling kukupad ang pelikula, negatibong nagkabuhol-buhol, sinag na nagdarangkal ng liwanag-taon kakaapuhap ng telon. Pagdungaw mo mulang eroplano, ang siyudad ay mapa ng pumipikit na mga bituin. At nadarama mong sa pagsaglit mong ito, nakasalubong mo ang naiwan mong kakambal, siyang binabagtas pa rin ang multong siyudad na ito, siyudad na muling maglalaho sa sandaling ikaw ay mahimbing.