Renzo Prino, Pasig City Si Renzo Prino ay nagtapos ng kursong AB Filipinolohiya sa PUP–Manila at kasapi ng Adhika ng Giting sa Obra at Sining (AGOS) ng Pasig. Kasalukuyan siyang Creative Consultant sa isang BPO sa Lungsod ng Pasig at naniniwalang nakapagliligtas ng buhay ang tatlong bagay na ito: aklat, pelikula, at Rupaul's Drag Race.



Awit ng Sepulturero


Issue No.11
Nananalig ako sa lahat ng bangkay, sa laksa-laksang anay na tumutungkab sa puno
ng akasyang nakatirik sa gilid ng kapilya, sa mga gagamba ng aking bugtong na anak,
sa mga bulag na uwak, sa mga amorseko, at sa lahat-lahat ng nalantang bulaklak
sa pusod ng kampusanto. Dahil ito ang totoo: may portal patungo sa kabilang buhay
sa isang kuwebang pinamamahayan ng mga libo-libong alitaptap at kulisap. Minsan
na kaming nag-usap ng Panginoon at ito ang mga sinabi niya sa akin: hindi totoong 
galing sa alabok ang tao, galangin mo ang mga itim na pusa’t paru-paro, lumikha ka
ng isang puntod na yari sa ladrilyo’t basbasan mo ng dugo ng bayawak ang bawat
sulok nito. At kung may nalalabi ka pang oras, hanapin mo ang may pinakabusilak
na puso sa daigdig at kapag nahanap mo, saksakin mo nang tatlumpung ulit sa dibdib
at pagpapalain ko ang magiging anak ng iyong anak. Ang totoo, ayaw ko nang
magbungkal ng mga buto–ang ibig ko na’y sumulat ng isang aklat patungkol sa halaga
at iba't ibang hugis ng lapida–dahil kayrami nang pangalan ang hindi na kilala
(o kung kilala man ay pilit namang nililimot). At ang inakala kong agimat na nakapulupot
sa leeg ng inuuod na bangkay, ay isa pa lang makamandag na batong kayang lumipol
ng sampung salinlahi sa hinaharap. Higit kong nakikilala ang aking sarili sa larawan
ng naaagnas na katawan.

Gabriel


Issue No.1
Makailang ulit mo nang hinawi ang mga agiw
ng pangungulila na napagkit sa mumunting silid
sa aking pagkatao. Sa tuwing kakatok ka,
numinipis o tuluyang naaalis ang sinsin ng alabok
ng pag-iisa. May sinag na nakalalagos sa siwang
ng aking pintuang ni minsan ay di ko binuksan.

Marahang-marahan kang lumalakad sa loob
ng aking bahay na panay patay ang mga kulay;
at sa tuwing hahakbang ka'y sabay na nagkakabuhay
paisa-isa ang mga ilaw na may sari-saring kulay at hugis.
Nasisilaw ka ma'y naaaninaw ko pa rin ang ngisngis

sa iyong mga labi. Sa ganitong tagpo, lumiliwanag
nang lumiliwanag ang mumunting silid sa aking pagkatao.
Nais kupkupin kahit balangkas ng iyong anino.

Sapagkat ikaw ang tahanan maging sa aking pananaginip:
sa aking tabi, pinagmamasdan kita habang naghihilik.
Bago pumikit, isang halik sa noo mo ang aking dinampi.