Svalbard
Deep inside a mountain on a remote island in the
Svalbard archipelago lies the Global Seed Vault.
It was designed as an impregnable deep-freeze to
protect the world’s most precious seeds from any
global disaster and ensure humanity’s food supply
forever. The Global Seed Vault, however, has been
breached after winter temperatures sent meltwater
gushing into the entrance tunnel.
Larawan ng kilabot: ang pagsibol
ng mga binhi sa pasilyong binaha
ng natunaw na niyebe. Maaari palang
dahon ang mag-andap sa halip na yelo.
Kagaya na lamang ng gulat
ng mga dalub-agham sa pagkalusaw
ng permafrost, ng laging-andap,
ang gitla nila sa mga punlang nag-ugat
sa mga uka ng yungib, sinisipsip
ang anumang mineral na naipon
sa alikabok na nalimot sa mga munting
guwang, dahil kahit dito,
sa imbakan ng lahat ng naitatanim
na halaman ng mundo,
ay walang makatukoy sa uri at lahi
ng mga halamang umusbong.
Minsan, pinanood nilang dalawin
ng mga reno ang yungib, at pinanood
na simutin ng masisiba nilang gilagid
ang bawat huling dahon, tangkay, at ugat
hanggang muling pagharian ng tining
ng mga bato ang bukana ng imbakan.
Pagsapit ng tag-araw, dagsang muli
ang mga turista sa mga liblib na bagnos
ng pulo ng Spitsbergen. Sa isang talampas
na halos hindi nadilaan ng niyebe,
may dalawang dayong umidlip sa lilim
ng punong mag-isa sa gitna ng damuhan.
Naalimpungatan silang gutom.
Pumitas ng tig-isang bunga,
sa mga sangang kahugis ng sungay ng usa,
kumagat, at biglang dumanak
na dagta sa kanilang mga kamay
ang itim na tubig-alat.
Madali nilang dinura ang mapapait
na buto, ang bawat isa, may nakaukit
na mukha ng nalulunod na bata.
Sa Loob ng Isang Dantaon Pagkatuklas ng Buhay sa Ibang Planeta
alinsunod kay Matthew Olzmann
Hindi naman talaga pagkamuhi ang tiyak
na nagtutulak sa atin, mas silakbo ng kutob
na dapat iligtas ang sarili. Sa lumang mundo,
nangungusap ng sigalot ang mga kibál na narra―
mga tsinelas, sandalyas, matitigas na bótang
nagbabaysak sa buláos mulang ilog o latian,
kundiman palayang pinagtamnan ng mga bomba―
sinasapit ng pahingalay sa makakapal nitong ugat.
Minsan, maging ang mga basag na bayugo
ng makatang paurong na inilakad ang mga tuhod,
habang nag-uusal ng salin ng Litanya Laban sa Pangamba.
Sino nga ba ang hindi makasisilip ng alindog
sa buwan, balahak at kinang, dumadaloy
sa pagitan ng mga kukób na daliri ng mga duklay?
Ipinulak din paglaon ang punongkahoy, naging
gitara sa kamay ng nabuburyong na sundalo,
o marahil ay sulo sa kamao ng mga rebelde,
o kung hindi ay tungkod ng nakayapak na monghe,
at ang patpat sa kagat ng alagang aso
ng nagdaraang turista.
Hindi nga, hindi muhi
kundi pangangailangan, ang pag-asam
na iadya ang sariling laman sa pagdurusa, wala
kundi ang malalim na pagkahayok ng katawan
na matubos―dinamita sa gasang, dukót na inakay
ng kalaw, Ahenteng Kahel na iniunos sa mga bukirin
mga gubat mga sapa. Makinig: ang huling gadyâ
ay pinatay sa tisikong kapatagan upang durugin
ang mga pangil nitong garing bilang lunas
sa tumutubong tumor sa gulugod
ng anak ng pangulo ng Tsina.
Hindi kalawang ang hangin, hindi
nagsaasupre ang mga ilog, hindi tayo
naninirahan sa makikitid na bula
ng kahinga-hingang hangin sa buntalang dinayo
sapagkat nasuklam tayo sa daigdig.
Nang matuklasan nila ang mga hayop
na sumunlad sa ilalim ng yelong talukab ng Europa,
malapugita, pawang palikpik at alumpihít na galamay,
at may mahahabang sungay na malagaring
ay pinalakaya natin sila. Una, sa ngalan ng agham,
at pagkatapos, sinimot ng mga lambat
ang pusikit na karagatan sapagkat ang durog
nilang mga sungay at ang pinagulang nilang katad
ay mabisa umanong gamot sa namamagang kalansay.
Ang suliranin, lagi, ay ang laman,
ang banta ng huling hininga, ang labahang
nakakarit sa lalamunan, tulad nitong mga sundalo
na umaahon sa mapuputing hagdanan,
nakatutok sa atin ang mahahabang riple.
Kapag tinadtad nila tayo
at ang mga hawak nating karatula ng pagtutol
sa paulit-ulit na pagkalipol ng mga hayop
ng mga buháy na punglo, ni walang suklam,
ni walnag poot ang kanilang mga mata,
ang takot lang na bumubulong-bulong sa tainga
na baka mapuksa rin sila
at kung gayon, sige, kayo na lang, mabuti pa.