Naroon pa rin ako.
Kung hindi lang puting-puti’t napupugaran
ng mga halinhinang mákinang wari mo’y
mga inulang palakang bukid,
ay mapagkakamalang bahay-gagambang
Kahon ng posporo.
Sa halip na gagamba—mga katawan
na paghinga lang ang sukatan.
Pare-pareho silang lahat, iisang hininga
ang hinahabol na kalauna’y isa-isa ring babawiin.
Naroon pa rin ako;
tila sundalong pinaglipasan ng panahon
sa kagubatan, nag-aabang ng kaaway,
nakikipamuhay sa dilim at bawat kaluskos
habang ang giyera’y matagal nang natapos.
Naroon pa rin ako;
ni hindi maiwan ang panganib
kahit kusa na ako nitong nilisan.
Tumanda na ang lahat at iniwan
ang mga gagamba sa isang sulok ng nakaraan.
Bitbit ko pa rin sila sa aking bulsa.