Para sa Sitio Tangan-Tangan, Tarlac
Dumadagundong!
Ang mga yabag na taliwas sa amoy ng kanayunan,
Estranghero sa mata ng mga hayop at halaman.
Pati ang síkat ng araw na kaylalim tumusok ay lumamya,
Umurong nang bahagya — nagtago sa ulap na nagsilbing manipis at kupás na kumot
Subalit sumisilip pa rin, paunti-unti
Sa kung paano dahan-dahang nilalamon ng higante ang katutubong lupa na para sa amin.
Unang tagpo: paghahanda
‘Nay! ‘Tay!
Nakakita po ako ng higante sa ating bakuran:
Balót ng damit na kulay dilaw,
May matatalas na ngipin, walang tumutulong laway o umaalingasaw na baho
Subalit damang-dama ng kayumanggi kong balat ang pagtindig ng balahibong tila
sundalong takót;
Ang halos luwáng buto ng tuhod ay nangangatog,
Sinasabayan ng pabalik-balik na tilamsik
Ng diwang walang-muwang, nagtatanong:
Bakit may bumisita sa amin nang biglaan?
Ikalawang tagpo: pagkain
Niyugyog!
Ng umagang balót na balót ng naghahabulang hamog ang aking katawan,
Tila nagnanais na ipáko ang aking mga paa habang sinasaksihan ang walang
humpay na pagkalaykay;
Ginugutay-gutay ang mga halaman at púnong tumubo mula sa pag-inom ng tubig-ulan.
Tinataga ang mga hitik at sariwang bunga,
Hinuhukay ang mga bundok, sinasaksak ang pahingáhan
Na para bang katumbas ng
Pagtusok ng daan-daang karayom sa aking ánit,
Pagsabunot sa kulot kong buhok,
Pag-untog at pagbasag sa aking bungo.
Ikatlong tagpo: pag-inom
Dinig ng pudpod kong talampakan ang pagkabasag ng rabaw ng sapa.
At ang napipintong serye ng araw-araw na pagtampisaw sa ilalim ng bughaw na
kalangitan, pinalilibutan ng berdeng kapaligiran,
Mawawala!
Sinimot ang tubig na pumapawi sa uhaw na tribo,
Bundat na bisita, nilagok lahat — walang itinira.
At ang mga sumunod pang tagpo:
Nanganak ang higante!
Nagpatuloy sa pagkain, pag-inom, at paglamon
Na para bang hindi kami tumulong sa paghabi ng kahapon.
Walang tigil
Walang tigil
Tinaboy kami na parang aligagang mga langaw na paikot-ikot sa kanilang hapág.
At sa sandaling dumapo sa kanilang itinuturing na kanin at ulam:
Mapipitik, mapipisat, malulunod sa sariling dugo,
Pagtutumpukan — lalangawin din.
Nagugulumihanan!
Kultura ang aming yaman, lupa ang hingáhan
Subalit kinikiliti ako ng bukang-liwayway:
Nakatira ba kami sa isang malaking pinggan?
Kung gayundin naman, nawa’y sa susunod na pagdighay ng mga bisitang gutom
na higante sa aming bayan ay matiyak ko na:
Busog na kaya sila?