Bumangon ka isang araw noon upang tabasin ang kasiyahang ayon sa sukat ng iyong katiwasayan. Pinagtagpi-tagpi ang mga bahagi, magmula: manggas, bulsa hanggang botones. Binusisi ang bawat sulok, tinastas ang mga tutos na hindi umayon sa nararapat sa linya. Pinatakbong muli ang mga daliri sa paisa-isang tusok ng karayom sa lunan ng kapanganakan ng ligaya. Nang matapos, agad mo namang sinuot ang bunga ng itinanim mong pagsusumakit. Isinayaw kapares ang yakap sa sarili. Hindi mo na pinatahan ang awit ng kaluguran; ang tugtog na nagbibigay hudyat sa pagbalse, bawog at hayon-hayon. Hanggang sa kumatok muli sa pinto ng 'yong kaluluwa ang mga pilas ng kalungkutang naiwan mo sa nakaraan — ang mga retaso ng pagsisisi. Lubos kang nagalak sa pagpunas ng tigmak mong pawis. Nakaligtaan mong magligpit ng mga panghihinayang, dalamhati't paninimdim, dahil ang mga patibong ay lingid sa nakikita. Pagkatapos ng pananahi, isasayaw ka na naman ng lumbay.