Kabel Mishka Ligot, Ojibwe, Odawa, and Potawatomi Nations (Chicago, IL) / Quezon City Si Kabel Mishka Ligot ay kasalukuyang nag-aaral, nananaliksik, at nagtuturo sa Unibersidad ng Illinois sa Chicago. Mayroon rin siyang MFA at MLIS mula sa Unibersidad ng Wisconsin sa Madison. Ang kaniyang mga tula sa wikang Ingles ay nalathala sa Cordite Poetry Review, Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature, POETRY, RHINO, at iba pang mga literary journal. Nakatanggap si Mishka ng mga gantimpala at karangalan mula sa Poetry Foundation, Unibersidad ng Indiana sa Bloomington, Tin House Summer Workshop, at Dalton School. Tubong Quezon City at Pasig, kasalukuyan siyang naninirahan sa tradisyonal na lupa ng mga katutubong Ojibwe, Odawa, at Potawatomi sa rehiyong Midwest ng Estados Unidos.



Tatlóng salin


Issue No.2

Nostos

            
            “Ayon sa mga opisyál sa Afghanistan, may isáng malakíng libingang 
            natagpuán sa isáng kulungan na nadiskubre sa ilalim ng lupà sa mga dakò 
            ng Kabul, na maaring itinayô noóng panahón ng mga Soviet.” —BBC News, 2007

Kailán lamang, nagugulumihanan akó
sa kalagayan ng mga kalansáy noóng natagpuán silá: bungong may mga telang
piríng, mga butó ng pulsóng nakagapos—
milagrong nahaplusán (anó kayáng kulay?
anóng materyál?) ng tela,
nasaksihán ang paghihirap
ng dalawáng libong kalalakihang nakatayóng hubád
nakatakíp ang matá at ginahasà
bago silá binaríl. Pinaghihinalaan namin na kasama sa kanilá
ang mga labí ng aking lolo sa tuhod
at ng bunsóng kapatíd ng aking nanay.
Bakit kamí naiinsulto—kamíng mapag-aksayáng
mga nakaligtás—sa paggunitâ ng mga nawalâ? Walâ
akóng naramdamán noóng pinasláng ko ang mga Haji,
sulat ng isá kong mag-aarál, na isáng dating sundalo.
Nápakadalî ngang patumbahín siláng mga Bárbaró, para bang mga gusalì
sa Mazar-e-Sharif. Anó pa ba ang maaarì kong
sabihin doón? Pinurì ko ang pagpilit ng paksâ,
ang kaniyáng angkóp na paghahalintulad. Sana maunawaan niyó: kung tumutol ‘man akó
walâ itóng makakalap. Ganitó akó hinubog:
buóng-buhay handáng mawalâ. Napanaginipan ko
ang aking mag-aarál noóng gabíng iyón, ang kaniyáng boses
gumigitgít sa marupók na balangkás ng alaala, sumisipol:
Kalansáy, Kalansáy, Kalansáy. Sintá, bakit kayâ
sa Inglés, ang katawán ay parehong patáy
at buháy? Alám ko na ang kirót ng pag-ulilà
ay may pusò, at kaya nitóng magmahál at matutò at sa gayón
matutong masuklám—gusto kong maniwalà
na sumalangit siyáng matiwasáy. Dalawampú’t-isáng taón gulang pa siyá noón,
noóng dinakíp siyá’t kinwestiyón.
Ang aking tito. Huwág ka nang bumalík! hiyáw ng aking nanay
habang tulóg. Huwág
kang bumalík. Luntian ang kaniyáng mga matá.
           
           

Ang Tanging Taxi Service ng Farmington, Maine

            
Pinatabí niyá akó sa kaniyá, kayâ napatanóng akó—nagbabasakalì
na ang kaniyáng kamalayan sa sarili niyáng kahinaan
ay magsilbíng kalaság sa sarilì kong kahinaan—
tungkól sa kaniyáng pagkabatà. Sa Cape Cod, gunitâ niyá,

kung saán nalumbáy siyá sa waláng-hangganang bugháw
tuwíng tag-lamíg, at nagnais na maglakbáy, kayâ napasali
sa mga Marino. At naglakbáy nga akó, birò niyá,
hanggáng Afghanistan pa. Pagsabi ko sa kaniyá

na tagá-doón akó, nadurog ang kaniyáng tawa—
at ikinalungkót ko ang sarili kong kabá,
o ang kaniyáng kabá, hindí ko matukoy. Nahíhiyáng
humaráp sa kaniyá, minasdán ko ang mga natumbáng punò

at malalabong bulaklák na balót sa yelo. Mabubuti namán
ang mga Afghan, biglâ siyáng naghunos-dilì. At jusko,
‘yung pagkain... Pero kinasusuklamán ko ang aking lahing Afghan,
lalo na dito, napapaligiran ng mga punong punô ng niyebe

at mga bahay na itsurang biskuwít. Alám mo, niligtás nilá,
ang kaniyáng mga salitâ tilà bang mantikilya, ang aking buhay—
pinakain nilá akó ng tinapay, kinupkóp. Hindí nilá kinailangan
gawín ‘yon. Maraming masamang nangyarì. Nápakaraming

kasamaán. Hindí pa rin matiwasáy ngayón: sa Kabul
kinaluluksaan pa rin nilá ang kaniláng kontaminadong tubig,
ang mga suicide bomber. Hindí ko dapat
‘tong sabihin sa ‘yo, pero, ubó niyá—Nami-miss ko siyá

paminsan-minsan. Ang iinit sa mga probinsiyá—
para ka bang nasa ibáng planeta. Kailanmá’y hindí akó
magiging kalmado dito, sa kalagitnaan ng mga malalamíg na buról,
mga gas station na nagbebenta ng Nescafé at Dove.

Pero pagkalipas ng walóng taon sa himpilan, ang kaniyáng boses
singklaro ng kamaó, gigising ka, kinamumuhian
ang taong nasa salamín. Ngayón, ang aking buóng buhay
ay hinggíl sa pagkalimot. Pribilehiyo ba ang mga alaala?

Noóng dumatíng akó sa Amériká, walâ
akóng maalalang kahit isáng barrio. Kasalanan ba,
kung gayón, na mainggít na ang tsupér ko’y nagkaroón
ng tahanan sa aking tahanan—diláw na alikabók sa mahahabà

at bulubunduking daán, kung saán dalawapú’t-dalawáng sibilyán
ay namatáy sa pang-apat na paglusób nitóng buwán—na mas tumagál pa
sa naranasan ko? Sa pakiramdám ko’y lalo pa niyá akó inilayô.
Alám mo, ang kaniyáng mabigát at Amerikanong boses

untî-untíng nababasag, heladong sapang natapakan ng usá, mabutí rin
at nakabalík akó. Namuó sa pagitan naming dalawâ ang hindí masabi-sabi,
malamíg na karagatáng punô ng pagkahiyâ, at pareho kamíng napatangáy
sa agos, hindí ‘man lang nalaman ang pangalan ng isá’t isá.
           
           

Lamay sa Paris

            
Tumatagay ng Malbec ang mga tita dito,
pinaparada ang kaniláng píghatî, mga masangsáng
at mahál na pabangóng bumúbulóng
sa mga elevator at pasilyo.
Bawat naturál na paglipas ay tumutukoy
sa hindí naturál: bawat tita ay may anák
na nahulog, o anák na nakitago sa natumbáng gusalì
nang dalawáng taon, hanggáng dumatíng ang katók ng mga opisyál,
bitbít ang bag na may lamán na bestida
at labí. Pero anó namán ang alám ko doón?
Nagpapa-pedicure akó, kumakain ng croissant
habang nagbábasá ng Swann’s Way. Noóng sinabi ko
sa isáng tita na gustó kong bumalík,
humiyáw siyáng walâ kang karapatang gustuhín ‘yon.
O itó, pahiran mo ng keso, sabi namán ng isá.
Hay, isáng kababalaghán ang mabuhay at makità
ang bakás ng paá ng aking tatay sa hardín ng kaniyáng kapatíd.
Galít niyáng itinatabas ang mga hasinto,
sumasagót ng palagi ‘pag napapatawag ang mananaliksík at nagtátanóng,
gaano kadalás mong naiisip na ang buhay mo
ay isáng pagkakámalî? Sa prusisiyón, nangangatal ang mga hiyáw ng mga tita:
mga alambreng dinadapuan ng mga uwák sa mabugsóng hangin.
Ayaw na ayaw ko ang bawat pinagplanong minuto. Inimbento ng Diyôs
ang lahát mulâ sa pagkawalâ, ngunit nangingibabaw pa rin
itóng pagkawalâ, sulat ni Paul Valéry. Ni minsan akóng namighanì sa Paris,
pero noóng tinanóng akó ng isáng estranghero
kung mabahò ba sa Afghanistan, sobra akóng nabiglâ
na niyakap ko siyá. At hinayaan niyá akó, ang kaniyáng mga bintí
pansamantaláng sumasagì sa akin.
           
           
*
           
           
“Nostos” first appeared in The Yale Review; “The Only Cab Service of Farmington, Maine” first appeared in Sundog Lit 15; and “Funeral in Paris” first appeared in The New Yorker as “Afghan Funeral in Paris.” From Hard Damage (University of Nebraska Press, 2019) by Aria Aber. Used with the permission of the author.
           
Si Aria Aber ay kasalukyang base sa Oakland, California, kung saán siyá ay isáng Stegner Fellow sa Unibersidád ng Stanford. Ang kaniyáng mga tulâ ay nalathalà sa The New Yorker, Poetry, Kenyon Review, at The Poetry Review. Siyá ang may-akdâ ng libróng Hard Damage (University of Nebraska Press, 2019), na nanalo ng mga gantimpalang Prairie Schooner at Whiting.