Francisco A. Monteseña, Angono, Rizal Si Francisco Arias Montesena ay dating guro sa kolehiyo. Mula sa Majayjay Laguna at naninirahan sa Angono Rizal. May masterado sa Management at undergraduate course sa Accounting. Premyado at nakapaglimbag ng mga aklat. Bahagi ang kaniyang mga akda ng mga antolohoya at dyornal tulad ng CCP Ani at Likhaan Journal. Naging fellow sa mga Pambansang Palihan sa Pagsusulat kabilang ang 8th UST National Writers Workshop, 8th Ateneo National Writers Workshop, Francesca Beard Performance Poetry Workshop ng British Council, Ika-5 Palihang Rogelio Sicat, 55th UP National Writers Workshop, ika-4 na Saling Panitik at Palihang Rene O. Villanueva 2 para sa mga Akdang Pambata. Kasapi siya ng LIRA at Tres-Siete Poetry Society.



Umuulan Ng Tula Sa Amin


Issue No.11
Walang bubong ang bahay,
Kaya’t nililimliman kami ng sikat

Tuwing tag-araw. Umiitim 
Ang aming balat at hindi kami

Nagrereklamo, nagpapasalamat.
Mas dama ang pagiging anak

Ng daigdig. Minsan may nagsabi,
Hangal lamang kaming sinusunog

Ng maling pananaw. Sino ang magdidikta
Ng tama at mali sa pagkilala

Sa mga bagay-bagay? 
Tuwing umuulan, nakasahod 

Ang aming palad. Minsa’y
Tumitingala. At nag-aanyong titik

Ang mga patak. Itinutula.
Ganito po sa aming may liriko

Ang tunog na nililikha ng ambon.
Nabubuhay ang mga makata sa amin

Tulad ng mga batang kumikilala
Sa mga hiwaga ng panahon.

Aywan kung bakit kahit walang bubong
Ang aming bahay, makata kami

Na di napapaso at di nababasa.
Isa iyan sa mga hiwaga ng tula.

Dalawang Tula


Unawa

      
Kailangang intindihin kung bakit
hindi ko pa magawang palitan
ang natungkab na bubong
kahit matagal nang lumipas ang bagyo.
O bakit hanggang ngayon
ay sira ang seradura na winasak
ng magnanakaw isang gabi
na kaysarap ng aking pagtulog.
Kahit ako'y nagtatanong kung bakit
pingas pa rin ang tasang paborito
na timplahan ng kapeng walang pait.
Nasa lababo ang bubog ng baso
na may latay pa ng labi mo.
Kailangang intindihin kung bakit
dapat makisangkot sa usapin
na di lamang pampuso. Hindi man
dapat pagsawaan ang pag-ibig
ay kayhirap dalhin sa dibdib
ang ginagatungang ngitngit
ng araw-araw na pagpihit ng sandali
sa natitinikang hininga, at kayhirap
lunukin ang mga eksena ng buhay.
Hindi na ito usapin ng pangungulila.
May mga hindi nakasasanay na kwento.
Tungkab ang bubong, sira ang seradura,
pingas na tasa at basag na baso.
Hindi ako kumikilos. Hindi makakilos.
Sa pananatili ay may ayaw nang maulit.
Kung usapin man ito ng puso
O ng buhay ngayong kay ilap tumahimik,
susuko ang mga walang makakapitan,
lalong higit kung hindi mo ako naiintindihan.
      
      

Kalbaryo

      
1
Nakahiga na naman si Inay
At hirap bumangon, sa kirot
Na dala ng lamig, may init
At lunas sa paghagod sa binti,
Sa kulubot na kamay, sa balakang,
Ito lang ang magagawa.
      
2
Gusto kong isuka ang tula
Gaya ng gustong ilabas
Ang lahat ng nilamon ng bagong taon.
May langgam na ang kalamay,
May amoy na ang paksiw na pata,
Matigas na ang suman at biko,
Malamig na ang sinabawang sotanghon.
      
3
Takot akong takasan
ang mga eksena ng pagpapahid niya
Ng kung anu-anong ointment.
Kahit kumakapit sa sariling balat
Ang amoy ng katinko at salonpas,
Basta nakikita ko siya nang paulit-ulit.
      
4
Lahat ng pagkaing nilipasan,
Sa isip lamang ang pagtanggi.
Katulad ng tula ay walang pagkapanis
Sa tulad kong gutom sa nakahain -
Pagkain, salita, pang-unawa.
      
5
Nakahiga na naman si Inay.
Naluluma na ang hain sa hapag.
Nagsasawa sa tula.
Nananatili akong anak.
Nananatili akong gutom.
Mananatili akong makata.