Nasisilayan kita sa lansangan malapit sa simbahan. Isa kang mapangahas na kaluluwa, at sa pighati ay batikan. Apat na dayukdok na mga anak sa iyong mga balikat nakabitin habang paduhong-duhong ka sa daan naghahanap ng tinapay at tubig. Minsan, ang mga Maya sa puno ay narinig ang kalam ng inyong sikmura. Lumipad sa iyong bumbunan at sabay tapon ng balat ng prutas, nektar ng bulaklak o tangkay ng dahon o patay na insekto. Abang na abang naman ang iyong bibig sa grasyang animo galing sa langit at pinaiigting ang iyong pananalig. Sa nakakapasong hapon, ang iyong mga anak ay walang tigil ang hikbi dahil sa gutom. Inilatag mo ang kinakalawang na lata na laman ang iyong puso, bato, dugo, at puri. Ang ale na galing sa simbahan ay muntik na matalisod sa iyong mga binebenta. Umiiling-iling at tahimik na naglimos ng bente pesos sa iyong lata. Ngunit sa kalooban nya, nilapastangan ka ng mga mura at diring-diri sa iyong pagdarahop. Ang hadas ng kanyang puso hindi man naisalin sa kanyang dila ay nagsindi pa din ng apoy sa mga papel sa basurahan. Nagliyab ang buong kalye pati ang katabing liwasan. Papunta sana ako sa simbahan ngunit sa nakikita ko ay mala-impyerno ang daan.