Edgar Calabia Samar, San Pablo, Laguna Si Edgar Calabia Samar (@ecsamar sa Twitter at IG) ay may-akda ng mga premyadong nobela, kritisismo, at aklat ng tula. Associate Professor siya sa Ateneo de Manila University at Visiting Professor sa Osaka University. Maaaring sundan ang kaniyang mga akda sa ecsamar.com.



Dalawang Tula


Walang Di Nagagantihan

Samantalang sakop at inuusig ng kaluluwa ang katawan, kung bakit narito’y nariyan ang ninanasa. Kung maaaring matapos ang paglalakbay, ito, matutuklasan, matitiyak lamang na wala tayong sinabi, sa daigdig. Ang pagkaulila ng pahina. Ang mga siyentistang tinatahak ang daan sa dating di-mawari. Imposibilidad ng mga hugis sa daigdig. Anong langit ang Hudyo o Muslim. O kolonyal. Kung saan titira. Kung saan mabubuhay, kung saan maghahanapbuhay. Panata ng bawat nilalang. At pasyon ng mundo. Kinopyang canvas ni Amorsolo, ang babae sa sapa. Dahil magwawakas naman ang lahat, bagaman wala tayo roon, wala ako roon, o ang naroon ay ako na ni hindi ko makikilala. Nakasalalay sa araw na iyan ang lahat sa atin dito. Subalit magpapatuloy ang uniberso. Ang lahat ng libro na nabasa mo. Ang lahat ng katawang nakilala. O kung ano ang inililihim ng aklat. O kung may ibubunyag ba ang buhay, sa huli, kung may huli, kung huli na nga ang lahat. Ang makunan ng retrato ang lahat ng kabuwangan ng mundo. Bakit ba lagi mong sinasambit ang daigdig na parang iisa ito? Hindi na ako makatulog kung gabi. Huli na ang mga bagay. Ito ang kalungkutan ng ispekulasyon: para saan? Naging mabuti sana silang makata. Para saan? At kapag iniwan ang tula, ngayong iniwan ang tula, ng tula, ng maraming Tagalog, katha ang Filipino. May nauuna at nahuhuli, at tinitiyak na iyan na lamang—ganiyan na lamang—ito na lamang ang natira sa atin. Hindi na ako nag-iisip nang may linya, rito ngayon. Ito ang siyudad ng mga alamat. Ng bendisyon ng ibang lupain.

      
      

Maliban sa Hangin Lamang

Pinatatawad ang mga pagkukulang at kahinaan dahil sa kagandahan, sabi mo, simula noon, sa lahat ng nakatalang kasaysayan. At ang gayuma ng tagumpay, tulak ng pagnanasa, sa pinakapusod ng dibdib. Kung gaano katindi, kahirap. Mga karamdaman ng tao, pagdaramdam, kabuwangan gaya ng panahon ng galit ng mga bathala, at dios. At anong husgado? Kung paano huhulihin ang talinghaga ng mga ninuno, na natutulog, tinatangay ng agos, patungo sa ilog na nililibot ang buong daigdig. Kung saang yungib nakakubli ang pinakamarilag na bituin, ang dayang, ang mutya na nagpapakirot sa loob ng mga umiibig. Pagninilay at tagulaylay sa mga bundok upang kausapin ang mga henerasyong darating. Ang lahat, ang tanan. Piping tulad ng mga bato sa gubat, sa gilid ng bundok, sa dalampasigan. Kaya’t hindi mauubusan ng kuwento ang daigdig na ito. Patuloy na hindi mauunawaan ng tao ang isa’t isa. Dahil iba ang buhay ng iba. Kasaysayan din ng pananakop, na may ibang lupain. Pagdakila sa mga ninuno. Dahil ano ang mga sinauna, ang matatanda, kundi ang wala na o mawawala na. At para saan ang wala na rito? Kailangang maghintay, kung paano sinisila ng halimaw ang usa sa gubat, kung paano nagkakaisa ang hukbo ng mababangis na hayop, pagtitiis, pagmamasid, sa mabibilis tumakbong usa na maaaring mawala’t maglaho sa gayuma ng pagkaligaw sa mga gubat. Ang panaginip ng baboy-ramo na lumilipad, patawid ng Dagat Patayana. Nabubuhay tayo sa salita ng mga nauna sa atin. Halimbawa: nanganganak ng panganib ang panganib. Nauna, sa napakarandom na proseso ng kasaysayan. Random na ramdam mong banyaga sa iyong dila. Bakit ngayon ako nabuhay? At kapag umaapaw ang tubig sa pampang, anong naiiwan sa ilog. O sa dagat. Anong ugnayan ng mga nilalang sa mundo ang nagdidikta sa tadhana at kasaysayan na ganito ang dapat maganap. At bakit hindi ipakain sa mga baboy-damo at halimaw ang katawan ng mga yumao, ang mga bangkay. Gaya ng paglapa ng lobo o agila sa mga yumayao sa daigdig ng mga yelo. Bakit ako naririto.