Bea Mariano, Metro Manila ​​Bea Mariano (she/her) sometimes writes, translates and creates video art. She received a BA in Art Studies from the University of the Philippines Diliman. In 2016, she was a fellow for poetry in Filipino at the 14th Ateneo National Writers Workshop. Among her conceptual interests include history, technology and hybridity.



Tatlong Tula mula sa Pagtatanod


            When I landed on your soil, 
            I said to the people of the Philippines
            whence I came, I shall return.
            —Douglas MacArthur
           
           

Itong kapitbahayan

           
sa loob ng dalawampu’t taon wala na 
            ang bahay na ito. Binenta na naman ng
                        gobyerno sa mga oligarko. Mula

sa bintana, waring sumasayaw na kamay
            o apoy ang natitirang dahon sa mga payat
                        na sanga. Monokromo ang lahat, parang

tatlong taon lang ang nakaraan
            o tatlong taon sa hinaharap
                        kami, na narito, ay wala na.

*

May dalawang babae sa labas
            ng kampo, mga walang suot,
                        ang isa ay matandang naghihintay.

            Hinihintay bumalik
                        ang anak na sundalo.
           
           

Sa Kusina, Wakas

           
Bago pa man ako maghanda para sa eskwela, makikita ko si nanay sa dilim ng umaga,
nakatayo’t nakadungaw malapit sa bintana, nakadaster, nakapaa sa’ming munting kusina.
Naghuhugas siya ng mga nakatambak sa lababo, kagabi pa ang kutsara, tinidor at kutsilyo.
Nang minsang muntik nang makabasag ng baso’t plato tahimik lang siya sa paglakas ng tulo ng gripo.

*

Sa kusina naghugas ng mga ginamit sa lababo na dalawang linggo nang nakabinbin. Hindi anim na taon ang kinailangang bilangin upang sabihin na dinalaw ng gagamba ang platong metal na naiwan kasama ng pinatutuyong hugasan: plato, kutsara, tinidor, kutsilyo, kaldero ng kanin, kung saan may umusbong nang amag sa tutong. Sabi ng lalakeng inibig, ang solusyon daw ay asin.

           
           

Pagtatanod

           
Humahampas ang liwanag mula sa labas
sa mukha ng babae. Tumutulo ang tubig
            sa salamin.

Tinabihan niya ang asawang
taimtim ang pagtulog.
Hinipo ang balikat, sinuklay
ang buhok, isang halik sa noo
at labi, pinatay ang ilaw sa kwarto
            sa huling pagkakataon.

Lumangitngit ang palapag 
            sa bigat ng mga paa.