Anthony Diaz, Camarines Sur, Bicol Si Anthony Diaz ay tumatayong pangulo ng Pagsirang Inc., isang grupo ng mga manunulat mula sa Bicol. Naging fellow siya ng 3rd Cavite Young Writers Workshop. Ginawaran siya ng Kabulig First Book Grant para sa kaniyang nobelang Sa Ika-tolong Aldaw, at naging finalist naman sa 2019 Premyo Valledor for Best Novel ang kaniyang nobelang An mga Hawak sa Panganuron. Nailathala na ang kaniyang mga akda sa Longos, ANI, Liwayway, Katastropiya, at Takatak: Mga Haraliputunon na Usipon. Sa kasalukuyan, naglilingkod siya bilang isang school registrar sa isang pampublikong paaralan.



Kural ang Daigdig


Issue No.2
Bilang lamang sa mga daliri ang kilala kong mga kalapati.
Ang pagkakaalam ko sa kanila, mga ibong ang tanging alam na salita
Ay ang palakpak ng aking mga palad.
Habang patuloy ako sa palakpak
Walang patid silang pasirko-sirko lamang
Sa alapaap.
At habang nakasilong ang araw sa mga ulap,
Gayun din ang aking pagtanga sa itaas
Upang mapanood silang lumalangoy
Sa gaan ng hangin.
Hindi kailanman na inialis itong mga mata sa kanila,
Kahit pa laksang silaw, o kahit pa sa mga araw na kulimlim.
Nakaabang lamang sa nag-uunahang ampyas.
Tinatahak ng paningin ang hangganan ng mga kinakatagpo nilang silungan.
Ang kumpas ng aking mga kamay ang hudyat sa mga tahanang darapuan.
Habang malawak nga ang langit, maiksi naman itong mga palad.
Kung ano lamang ang sukat nito, iyon naman ang lawak ng kanilang lipad.
Nang sila’y magsilaki na, noong mga pakpak ay bumabagwis-bagwis na,
Nagtarak ako ng kawayan sa lalim ng putik.
Habang sa kabilang dulo ang bandila
Galing pa sa luma kong kamiseta.
Mantakin mong kahit walang palakpak, walang signus na sila’y magsibalik,
Itong bandila ang pumapatnubay. Subalit, mayroong mga gabing
Humuhuni sila na parang mga mang-aawit ng punebre.
Patuloy ang pintig sa aking dibdib dahil tulad din nila,
Ako’y kaluluwang walang laya.