Rainbow Baby
Malabo ang mga linya sa sumulpot na bahaghari. Hindi pa ganap na bughaw ang langit nang dumating ang malamlam na arkong halos ikubli ng ulap ng sanlaksang alinlangan. Paano nga ba pagkakasyahin sa puso ang samo’t saring damdamin na inihahayin ng magkakakontrang elemento sa langit? Paano nga ba magpasalamat sa paglitaw ng liwanag matapos lumpuhin ng marahas na unos? Nanalangin ako ng liwanag sa gitna ng dilim ngunit hindi agad maituring na liwanag ang liwanag na dumating.
Bed Rest
Nakatakda na ang haba ng paglalakbay sa ilog na kailangan natin tawirin natin nang magkasama. Pinag-aralan ko ang mga naitalang babala: punô ito ng mga balakid at sopresang panganib. Ganito naman ang disenyo ng paglalakbay: sasakay tayo sa magkahiwalay na balsang pinag-uugnay lamang ng manipis na lubid. Magkadikit, ngunit hindi ganap. Magkalapit, ngunit hindi kita masisilayan hanggang sa maabot natin ang pampang. Ngunit may sapat nga bang paghahanda kung kamatayan ang parating nakaamba? Nasa kalagitnaan tayo nang umalog ang balsa ko habang paluwag nang paluwag naman ang kapit mo. Humiga ako sa gitna ng balsa’t ipinaubaya ang balanse sa marahang agos sabay iniusal ang palaging dalangin mula simula: sana sa pagmulat ng aking mga mata ay kasama pa rin kita.
*
Tala mula sa may-akda: Rainbow baby ang tawag sa sanggol na ipinagbuntis matapos makunan/maagasan ang ina.