Agatha Buensalida, Quezon City Si Agatha Buensalida ay isa sa mga aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging fellow rin siya sa UST National Writers’ Workshop at sa Cavite Young Writers Online Workshop. Napabilang ang kanyang mga tula sa ilang publikasyon, katulad ng Antolohiyang BAGA at LILA: Antolohiya ng mga Babaeng Makata ng LIRA. Kasalukuyan siyang abala sa pagiging copywriter ng mga negosyanteng nakabase sa Estados Unidos.



Ang Kulay ng Panibugho


Issue No.1
Pagkat tila tinatangay ng hangin ang ating tikas,
nagiging mga alipato táyong nililisan ng ningas.
Nalalaglag ang ating bait, nagkakalat sa sahig,
sumiksiksik sa mga siwang gaya ng mga abong tumatalsik
galing sa pinipitik mong tabako uma-umaga.
Ngayong inuuban na ang ‘yong tuktok 
at isinusubsob ka na ng sariling balangkas,
nanghiram ka ng mata sa aso, ng lalamunan—
nandidilim ang paningin mo’t umaalulong ka 
sa bawat aninong makikita mo sa gabi.
Hindi ko matunton ang lalim ng buntonghininga ni Papa
tuwing pilit mong binubuhat ang sarili
upang humakot ng uling para sa iniihaw mong mga paratang.
Saang balon ako sasalok ng tubig o magpapala ng buhangin
para isaboy sa naglulumiyab mong dibdib?
Gayong wala nang kilalang pag-ibig 
ang natutupok at napupulbos mong puso.