Mina Bautista, Bulacan / Quezon City Si Sharmina Bautista ay isinilang sa bayan ng Calumpit sa Bulacan. Natuto siyang magbasa sa mga kwento't nobelang nakalathala sa Liwayway. Accountancy ang kursong tinapos niya sa kolehiyo, pero paminsan-minsan ay nagsusulat ng mga tulang siya lang din ang makakabasa.



May Mga Bagay na Hindi Namamatay


Issue No.6
Alam ko na iyan
kahit mabibilang pa lamang
ang edad sa mga daliri
ng kamay.
Ang aking bag, halimbawa
na ilang taon nang hindi napapalitan.
(Pampito ako sa walo,
inyo na sigurong maiintindihan.)
Isang araw, pinagtangkaan kong
patayin ang pobreng bag.
Buong tiyagang hiniwa ang telang
malakatad ang dating sa mapurol
at nangangalawang na cutter.
Sa wakas, ibibili na ako ng
bagong bag!
May mga bagay na hindi namamatay—
nalaman ko ito nang makita
ang mga sulsi ng ina sa
pobreng bag.