nagising ako sa isang mundong nakatila. Sa TV, gumuguhit ang mga grapo ng stock market na parang kidlat—ang matematika ng paghuhula. Sa radyo, sabi ng mga eksperto sa panahon, asahan ko na may pag-ambon sa hapon. Kayâ naman, dalî-dalî, ang boses sa kusina, 'yung mga sinampay, magdidilig pa man din ako ng mga kuwan! Hindi ba, ang pagguho ay isang sandali—ang ekonomiyang, parang singaw ng lupang mainit bago ang pagbuhos ng ulan, parang halumigmig. Ngunit dito lamang, tulóy ang pagtili ng takure at pag-ugong ng washing machine. At ito nga, sa parehong hápon, ayon sa mga eksperto sa salapi, nasa resesyon na ang mundo, ngunit tulóy pa rin ang pamumulaklak ng gumamela sa labas na matiyagang naghihintay ng dilig. Kung may bayad lamang ang mga gawaing 'to, rugo, matagal na akong baón sa utang.